Balikbayan, pinatay sa saksak ng mister

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2019 10:34 AM | Updated as of Jul 31 2019 11:52 AM

Nakakulong na ang suspek matapos na pagsasaksakin ang asawang OFW sa Camarines Sur.

NAGA CITY – Isang overseas Filipino worker na kauuwi pa lamang sa bansa noong Hunyo ang napatay sa saksak ng kaniyang asawa sa Canaman, Camarines Sur, Lunes ng tanghali.

Kuwento ng ina ng biktima, nagpasama ang kaniyang anak sa dating bahay nito para makita ang mga anak na nasa pangangalaga ng asawa.

Pero hindi naging maganda ang pagkikita nila ng dating mister at humantong ito sa pananakit.

Inuntog sa bintana at sinaksak ng lalaki ang babae.

Kahit ang ina ng biktima, itinulak at pinagbantaan din ng suspek.

Nagtamo ng 10 saksak sa katawan ang biktima na nagresulta sa kaniyang pagkamatay.

Agad namang nahuli ang suspek at inamin ang nagawang krimen.

Depensa niya, nagdilim ang kaniyang paningin dahil kukunin na ng asawa ang kanilang mga anak.

Nagalit siya dahil hindi na siya kinakausap nang maayos ng asawa at nagselos siya nang makita niya umano ang isang larawan na may kayakap ang kaniyang misis.

Sinampahan na ng kasong parricide ang suspek

Pitong taong nagsama at may isang taon nang kasal ang mag-asawa.

Nagsimula ang kanilang hindi pagkakaintindihan nang mag-abroad ang biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.