'Nag-aalok ng gayuma,' timbog sa Valenzuela

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2018 08:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong Lunes sa Valenzuela City ang isang babae na nagpapanggap umanong may kilalang marunong manggayuma para makakuha ng pera.

Inireklamo ng biktimang si alyas "May" ang suspek na si Jane Mendoza nang pagbantaan siya nito matapos siyang tumigil na magpadala ng pera sa suspek.

Aabot sa P66,000 ang kabuuang halagang ibinigay ng biktima sa suspek, na nakilala ni "May" sa Facebook noong Abril habang naghahanap ng mga paraan para magkabalikan sila ng dating kasintahan. 

Nangako umano ang suspek na ihihingi si "May" ng tulong sa kakilang manggagamot para gayumahin ang dating nobyo nito.

"Nag-message siya sa 'kin na marunong daw siya. Tapos mga ilang days na, humihingi na siya ng pera tapos parang sabi niya, 'In seven days, puwede na kayong magkaayos ng boyfriend mo,'" anang biktima. 

May apat na beses ding personal na pumunta si "May" sa bahay ng suspek sa Pangasinan pero kahit minsan ay hindi niya nakaharap ang sinasabing manggagamot.

Nabatid ni "May" na gawa-gawa lang pala ng suspek ang manggagamot.

Ipinapayo ni NCRPO director Chief Superintendent Guillermo Eleazar na huwag basta magtitiwala sa mga taong nakikilala online.

"Maging maingat tayo, huwag tayo magpadala ng emosyon lang. Pag-isipan natin saka pag-ingatan natin ang paggamit ng social media," ani Eleazar.

Nahaharap sa kasong robbery extortion, swindling, at estafa ang suspek.-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.