3 lalaki sa Zamboanga City hinagisan ng granada habang natutulog sa kubo

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2020 06:49 PM

Dahil sa pagsabog, namatay si Radzkil Asari habang nagtamo naman ng mga sugat sa katawan ang 2 niyang kasama. Screengrab

ZAMBOANGA CITY — Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang 2 iba pa matapos silang hagisan ng granada habang natutulog sa Sitio Baluno, Barangay Bungiao nitong Huwebes ng madaling araw. 

Ayon kay Police Captain Yashier Sarikin, tagapagsalita ng Zamboanga City police, natutulog ang 3 biktima sa kanilang maliit na kubo nang bigla na lang dumating ang suspek at hinagisan sila ng granada.

Dahil sa pagsabog, namatay si Radzkil Asari habang nagtamo naman ng mga sugat sa katawan ang 2 niyang kasama.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, may personal na galit umano ang suspek sa isa sa mga biktima kaya niya ito nagawa.

Ayon pa sa mga pulis, taga Jolo, Sulu ang 3 biktima at mag-iisang taon pa lamang nang umuwi ang mga ito sa Sitio Baluno upang magtrabaho bilang caretaker sa kalapit na lupain.

May nakuha na silang impormasyon sa kung sino ang naghagis ng granada sa kubo ng mga biktima at isinasagawa na ngayon ang hot pursuit operation upang maaresto ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.