Rape suspek, timbog sa tulong ng wedding video

Isay Reyes, ABS CBN News

Posted at Jul 29 2019 04:29 PM

Iniharap kay Mayor Isko Moreno ang 6th most wanted ng Maynila, Hulyo 29, 2019. Isay Reyes, ABS CBN News

MAYNILA — Matapos ang 2 taong pagtatago ng rape suspek na si Jasper Delos Angeles, nahuli na siya ng mga kapulisan sa Coron, Palawan noong Biyernes,. 

Sa joint operation ng Special Mayor’s Reaction Team, at Intelligence Group ng Regional Intelligence Unit ng NCR, hinuli si Delos Angeles nang makumpira ng mga otoridad na naninirahan ito sa Sitio Dipulao, Barangay Poblacion 6 sa Coron, Palawan.

Nagpakasal ang suspek noong Mayo at dahil sa same-day-edit wedding video nito, nakumpirma ng mga pulis ang lokasyon nito sa Coron, Palawan. 

Ikaanim si Delos Angeles sa most wanted ng Maynila at kabilang din sa watchlist ng Interpol. 

Pebrero 2015 nang i-reklamo ang suspek ng rape matapos itong makipag inuman sa kapwa niya college students sa isang bar sa Maynila. Ayon sa complainant, nilagyan umano ng suspek ng droga ang kaniyang inumin at saka siya ginahasa. 

Lumabas ang warrant laban sa suspek noong Marso 28, 2017 pero nagtago na ito. 

Noong Enero 2018, kinumpirma ng Bureau of Immigration na lumabas ang suspek papunta ng Singapore at dumiretso ng Malaysia. Sa imbestigasyon ng pulis, bumalik ang suspek sa Pilipinas gamit ang back door at nanirahan sa Coron. 

Sa pangunguna ni Maj. Gen. Rosalino Ibay Jr, agad tumulak ang mga pulis sa Coron.

Mahaharap sa kasong rape ang suspek na si Delos Angeles. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.