Mayor Isko, pinayagang bumiyahe ang mga e-trike sa Maynila

Isay Reyes, ABS CBN News

Posted at Jul 29 2019 10:36 PM

Manila Mayor Isko Moreno nakipagpulong sa mga e-trike driver ng Maynila. Isay Reyes, ABS CBN News

MANILA — Pinayagan na muli ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga e-trike na bumiyahe sa mga kalsada ng Maynila kung sila ay susunod sa kaniyang mga kundisyon.

Noong Biyernes, Hulyo 26, nagbaba ng direktiba si Moreno na itigil muna ang biyahe ng mga e-trike sa kalsada ng Maynila dahil delikado ang mga ito para sa mga sumasakay.

Walang mga prangkisa ang mga e-trike at hindi rin rehistrado sa Land Transportation Office (LTO). Dahil dito, wala raw paraan para ma-proteksyunan ang mga pasahero nito kung sakaling masangkot sa mga aksidente.

Pero nitong Lunes, daan-daang mga e-trike drivers ang nakipag dayalogo kay Moreno sa loob ng kaniyang tanggapan sa City Hall.

Kinwestyon ni Moreno ang kanilang mga biyahe; magkano ang pamasahe, saan ang ruta at kung may boundary ba ang kanilang mga biyahe. Sabi ni Moreno, mahalaga ang kapakanan ng kanilang mga pasahero.

“Kapakanan ng mga pasahero ninyo ang iniisip namin. Pumipila kayo sa Recto, nakikipag-agawan kayo sa mga jeep. Yun ba ay tama?” sabi ni Moreno.

Nilinaw ni Moreno na hindi niya gustong tanggalan ng hanapbuhay ang mga ito dahil dati rin siyang sidecar boy pero dapat lagyan ng maayos na sistema ang kanilang biyahe maging ang grupo ng mga driver.

“Ako ba gusto ko kayong tanggalan ng hanap buhay eh dati akong sidecar boy? Wag tayo maging utak biya, yung sarili lang natin ang iniisip natin,” aniya.

Habang inaayos ng pamunuan ng Maynila ang biyahe ng mga e-trike drivers, pumayag ang mga driver na bumuo ng sarili nilang TODA, mag lagay ng standard na presyo ng pamasahe at mag bayad sila ng tamang buwis.

Nangako rin ang mga driver na hindi bibiyahe sa malalaking kalsada ng Maynila tulad ng Juan Luna Ave., Recto Ave., at Soler St.

“Gusto niyo maghanapbuhay? Ibibigay namin ang hanapbuhay sa inyo. Gusto ba ninyo maging tax payer? Gagawin namin kayong tax payer. Gusto niyo ba mayroon kayong kapanatagan sa kalooban at kayo ay mag papasakop sa pamahalaan lungsod para kayo ay maging legal?” tanong ni Moreno sa mga driver.

Nakiusap si Moreno sa mga driver na makipagtulungan sa kaniya para maisaayos ang lungsod at alagaan ang kanilang mga pasahero.

Binigyan naman ng seguridad ni Manila Vice Mayor Honey Lacuna ang mga driver na agad nilang aayusin sa Konseho ng lungsod ang pagkilala sa samahan ng TODA ng mga e-trike drivers.

“Pagsusumikapin natin ang agarang pag kilala sa inyong samahan at gagawa tayo ng ordinansa para ma-identify ang mga ruta na pwede ninyong daanan,” sabi ni Lacuna.

“Makakaasa kayo sa ating konseho,” dagdag niya.

Naghiyawan ang mga driver nang sabihin ni Moreno na "O Director Dennis Viaje, ibalik mo na ang e-trike ng mga ito".

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.