3 binatilyo patay matapos mabunggo ng pick-up truck sa Negros Occidental

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2020 02:42 AM

Kuha ng Murcia PNP

Patay ang 3 binatilyo matapos sila mabunggo ng isang pick-up truck sa bayan ng Murcia, Negros Occidental nitong Linggo ng gabi.

Ayon sa pulisya, nakaupo sa labas ng isang sari-sari store sa gilid ng ng national road sa Barangay Caliban ang mga biktima kasama ang 2 pang iba, nang mabangga ng pick-up ang likuran ng isang carry van.

Nabangga rin ng pick-up ang sari-sari store kung nasaan ang mga biktima.

Dinala silang lima sa ospital dahil sa mga sugat na natamo sa iba't-ibang bahagi ng katawan.

Sa ospital binawian ng buhay ang 3 biktima.

Hinihintay pa ng pulisya kung may pag-uusap na sa pagitan ng driver ng pick-up at mga pamilya ng nasawi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.