Mayor Isko may palugit sa kapitang bumunot umano ng baril sa away dahil sa parking

John Gabriel Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2019 09:04 PM

MANILA - Binigyan ni Manila Mayor Isko Moreno hanggang Lunes para magpaliwanag ang isang barangay chairman na bumunot umano ng baril sa away sa kapitbahay.

Sa Facebook live niyang "Capital Report" Biyernes ng gabi, inanunsiyo ni Moreno ang palugit. Hindi niya pinangalanan ang kapitan pero sinabing mula sa 5th district ng siyudad.

"Akala ko ba matapang ka chairman? O ba't nagtatago ka ngayon? Harapin mo ito. Ipaliwanag mo ang iyong sarili. Ngayon, bibigyan kita hanggang Lunes. 'Pag hindi ka lumabas chairman, personal na kami bibisita sa'yo," ani Moreno.

"'Wag ka magbabasakali na hindi ka matatagpuan ng batas. You cannot escape the long arm of the law. Kailangan mo maipaliwanag ang iyong sarili," aniya.

Ayon sa alkalde, nakipag-away umano ang kapitan sa kapitbahay dahil sa isyu ng parking.

"Pinag-awayan niyo parking lang. Away kapitbahay lang. Ano 'yun, magkamatayan kayo dahil sa away lang na ganyan?" ani Moreno.

Binigyang-diin ng alkalde na hindi dapat inilalagay ng mga "halal ng bayan" ang batas sa kanilang mga kamay.

"Ang dapat mong ginawa ay tumawag ng pulis. 'Wag mong ilalagay sa kamay mo ang batas. Na parang ikaw ang siga, at walang gobyerno, maglalabas ka ng baril. Gagamitin mo ang kapangyarihang mandato na ibinigay sayo ng bayan at aabusuhin mo. As if you have the authority," ani Moreno.

Sabi ni Moreno, hindi mabuti na gamitin ang init ng ulo sa pamamahala dahil mawawala sa tamang katwiran ang mga namamahala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.