Caravan, noise barrage isinagawa sa Iloilo City ilang araw bago ang SONA ni Duterte

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2020 11:18 PM

Nagsagawa ng caravan at noise barrage ang iba’t-ibang sektor sa Iloilo City upang ipanawagan ang kanilang pagtutol sa iba't ibang isyu at patakaran ng gobyerno, ilang araw bago ang ika-5 na State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte. Nony Basco, ABS-CBN News

ILOILO CITY— Nagsagawa ng caravan at noise barrage ang iba’t-ibang sektor sa Iloilo City nitong Biyernes para ipanawagan ang kanilang pagtutol sa iba't ibang isyu at patakaran ng gobyerno, lalong-lalo na ang anti-terrorism law.

Umikot sa mga pangunahing kalye sa lungsod ang mahigit 20 sasakyan habang bumubusina para makapaglikha ng ingay sa daan.

Ayon sa grupong SONagkaisa-Panay, ang caravan at noise barrage ay opening salvo ng mas malawakang pagkilos sa Lunes kasabay ng ika-5 na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Huminto ang caravan sa harap ng compound ng ABS-CBN Iloilo at nag-noise barrage na sinabayan ng pagkondena sa pagpatay ng Kongreso sa prangkisa ng network.

Sunod na pinuntahan ng caravan ang harap ng Iloilo Provincial Capitol kung saan nanawagan ang grupo na iparating sa national government ang hindi angkop na pagsagot sa kinakaharap na problema sa COVID-19.

Tumigil din sa harap ng UP Visayas Iloilo City campus ang caravan kung saan ipinarating ng unibersidad ang isyu ng red-tagging sa mga estudyante ng UP at pag-atake sa academic freedom.

Pinangunahan ng mga pinuno ng simbahan, mga progresibong grupo, mga abogado, transport leaders, at iba pang pribadong sektor ang caravan at noise barrage.

Sa Lunes, magma-martsa ang grupo mula Sunburst Park sa Iloilo City hanggang Iloilo Provincial Capitol.

Magsasagawa sila ng sariling SONA kasabay ng SONA ni Duterte.

Pinaalalahanan naman ng pulisya ang mga sasama sa rally na magsuot ng face mask at mag-obserba ng physical distancing.

Isasailalim sa full alert ang Police Regional Office 6 sa araw ng SONA.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.