Petisyon sa SC vs Anti-Terrorism Act umabot na sa 16

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 09:13 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Umabot na sa 16 ang bilang ng petisyong inihain sa Korte Suprema laban sa Anti-Terrorism Act of 2020.

Muling dumagsa sa Supreme Court (SC) nitong Huwebes ang mga petitioner na naghain ng kani-kanilang petisyon kontra sa anti-terror law.
    
Unang-una ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na isinumite ang hard copy ng kanilang petisyon na inihain pa noong Linggo.

"Marami pang petisyon na ipa-file dahil nga po questionable 'yung mga provisions ng mga batas na ito. Napakarami na po ng mga nagsasabi niyan at dumadami po 'yung tumututol," ani Renato Reyes, BAYAN secretary general.

Nagsumite rin ng physical copy ng kanilang petisyon ang grupo nina dating SC senior associate justice Antonio Carpio at dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales, habang 2 grupo ng mga mamamahayag ang naghain ng hiwalay na petisyon.

Ang grupo nina Maria Ressa at Ces Doyo ay sumanib sa petisyong inihanda ng Free Legal Assistance Group para kina Sens. Leila de Lima, Kiko Pangilinan, 2 framers ng Constitution at mga mambabatas.

Ang grupong National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), nakiisa sa mga writers at artists na nagpahayag ng pagkabahala dahil hindi pa man naipatutupad ang batas, dati na silang binabansagang communist fronts ng gobyerno.

Pangamba naman ng mga youth groups mula UP, Ateneo, La Salle, UST at ibang mga eskuwelahan, baka mapagkamalang terroristic acts ang kanilang mga adbokasiya.

Para naman sa 4 na mga abugadong Muslim, dapat masigurong ligtas ang mga inosente laban sa maling pagpapatupad ng batas kaya dapat malinaw ang batas.

Sa kabuuan, may 16 na petisyon na ang isinampa sa SC laban sa anti-terror law, ayon sa tagapagsalita ng korte.
    
Inaasahang may mga susunod pa sa mga darating na araw.
    
Ang batas na ito ay isa na sa may pinakamaraming kumukwestiyon sa kataas-taasang hukuman.
    
Pero hindi nababahala ang Palasyo.

"Maraming salamat din po sa kanila dahil mabibigyan ng linaw kung talagang labag sa Saligang Batas itong bagong batas laban sa terorismo," ani Presidential Spokesperson Harry Roque.
 
Payo ng mga petitioners sa publiko, imbes na matakot, mas lalong dapat iparinig ang hindi pagsang-ayon sa bagong batas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.