Nasa 150 barong-barong sa gilid ng riles ng tren giniba sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 05:03 PM | Updated as of Jul 23 2020 07:46 PM

Tinatayang nasa 150 barong-barong ang giniba ng Philippine National Railways sa glid ng riles sa Cabuyao City, Laguna.

Kahit ano ang pakiusap, wala nang nagawa ang mga residente nang isa-isahing gibain ng mga tauhan ng Philippine National Railways (PNR) ang kanilang mga barong-barong.

Sakop ng Barangay Uno at Barangay Dos sa Cabuyao City, Laguna ang mga ginibang tahanan, na nakatirik malapit sa riles ng tren.

Watch more in iWantTFC

"Hindi ho kami itinuring na tao. Para kami mga hayop kahit ho kami nakikiusap, hindi kami pinapakinggan. Wala daw ho sila pakialam kung wala kami matirahan, wala kami matulugan," ani Lourdes Vergara.

"Ang hirap po lalo na sa gabi naulan, wala ho masilungan ang mga anak ko, lima ho anak ko," sabi naman ni Gigi Arimbay.

Tinatayang nasa 150 barong-barong ang giniba ng PNR dahil nasa danger zone umano ang mga ito.

Problemado ngayon ang mga nawalan ng bahay kung saan sila titira, lalo at nasa gitna ng COVID-19 pandemic ang bansa.

Wala rin umanong tumanggap sa kanila na mga apartment na mauupahan dahil sa takot sa COVID-19.

Nangangamba silang magkaroon ng sakit ngayong wala silang masisilungan.

Noong Hulyo 15 pa nagsimula ang demolisyon pero iginiit ng mga residente na hindi sila inabisuhan ng PNR.

"Biglaan ho ang paggiba nila, wala abiso," ani Vergara.

Ayon naman kay Michael Dalmacio, chairperson ng Barangay Dos, "verbal" lang ang pag-abiso sa mga residente at walang sulat ang PNR.

Pero iginiit ng PNR na nagbigay sila ng abiso at ang kanilang ginibang mga bahay ay bigla na lang umanong nagsulputan.

Hindi rin umano kasali ang mga residente sa kanilang listahan ng bibigyan ng tulong.

"Sinabihan sila three weeks before, hindi sila matagal doon, bago lang sila doon," ani PNR General Manager Junn Magno.

"Mayroon din kami master list kung sino talaga ang informal settlers doon... kasama sa mabibigyan ng entitlement at benefits. Nabalitaan nila, biglang may nagpuntahan doon na mga tao, nagtayo ng illegal structures nila," dagdag ni Magno.

Pero kahit ipinakita na ng kapitan ng barangay ang kopya ng memorandum ng Department of the Interior and Local Government na nagbabawal magsagawa ng demolisyon at eviction sa panahon ng pandemya, hindi umano ito pinansin ng PNR.

"Kasi ang PNR talagang hindi mapakiusapan... 'yong LGU (local government unit) tumatawag kami, kakausapin daw yung mataas sa PNR, wala pa silang response sa amin," ani Dalmacio.

"Hindi totoo 'yon. Bawal mag-demolish doon sa mga resttlement action plan namin, so mayroon kami mga tao na nasa loob ng resettlement action plan. Bawal talaga sila i-demolish, 'yon ang moratorium na napag-usapan," sabi naman ni Magno.

Iginiit ng Commission on Human Rights (CHR) na hindi makatao ang ginawa ng PNR na paggiba sa mga barong-barong at labag ito sa kautusan ni Pangulong Duterte.

Nagsasagawa ng imbestigasyon ang CHR sa nangyaring demolisyon.

"Ayon sa batas ay dapat hindi nagsasagawa ng ano mang demolition or eviction sa panahon ngayon, lalo’t lalo na ang pangunahing direktiba ng presidente at ng pamahalaan ay masigurado na ligtas ang bawat Pilipino at magkaroon ng physical distancing," ani CHR Spokesperson Jacqueline de Guia.

Apela ng mga nawalan ng tirahan ay tulungan sila ng gobyerno na makahanap ng pansamantalang matitirhan dahil hindi ligtas na manatili sa gilid ng lansangan. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.