Ilegal na terminal ng bus, van, nadiskubre sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2017 07:31 PM

Nadiskubre ang isang terminal ng mga colorum na UV van at mga bus terminal na patuloy na nag-o-operate sa kabila ng kawalan ng permit matapos inspeksiyunin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga sakayan sa Pasay City.

Aksidenteng nadiskubre ng MMDA ang terminal ng mga UV van sa isang gas station sa Pasay habang nag-iinspeksiyon sa mga bus terminal nitong Biyernes ng umaga.

Hindi pinalampas ng ahensiya ang mga nakitang van nang malamang colorum ang mga nakapila.

Muntik namang paalisin na lang ang isang van ngunit nahulihan ito na may mga pasahero kaya pinababa ang mga sakay at pina-impound ng MMDA ang naturang sasakyan.

Umapela naman ang driver ng nasabing van na si Rodel Banhaw.

“Gusto rin namin maging legal, sir, kasi ito lang kinukuhanan namin ng pagkain ng pamilya namin,” ani Banhaw. 

Isa lamang si Banhaw sa mga naabutan ng suspensiyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga TNVS applications kung kaya’t hindi na siya naisyuhan ng prangkisa.

Sa inspeksyon naman sa mga bus terminal sa Pasay, lumalabas na lima lamang sa 15 terminal na pinuntahan ng MMDA ang kumpleto ang mga permit at sumunod sa wastong requirements.

May mga permit naman ang ilang bus companies pero hindi sinusunod ang 'nose in, nose out' policy.

“They will now check PICC to be the temporary holding area of terminals that will be found to be non-compliant of the ‘nose in, nose out’ policy,” ani MMDA Chief of Staff Jojo Garcia.

Ayon sa MMDA, hinahanapan na rin ng solusyon ng local government units ang mga nakabalandrang bus lalo na sa kahabaan ng EDSA.

Nakatakdang ihain ang closure order sa mga ilegal na terminal sa Pasay sa susunod na linggo. 

Simula noong Miyerkoles, nasampolan na rin ang mga bus company sa Quezon City na may mga paglabag.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.