Ginang na posibleng ginahasa, natagpuang patay sa tubuhan sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2018 05:42 AM

NEGROS OCCIDENTAL - Natagpuang patay ang isang ginang sa gitna ng tubuhan sa bayan ng Murcia, Negros Occidental.

Kinilala ng mga pulis ang biktima na si Eden Dipino, 39 anyos.

Nakatali sa kaniyang leeg ang strap ng kaniyang bag habang nagtamo rin ito ng mga sugat sa katawan.

Ayon kay Chief Insp. Roberto Indiape, hepe ng Murcia police, tinitingnan nila kung ginahasa ang biktima dahil bahagyang nakababa ang damit pang ilalim nito.

"Posibleng nanlaban din ang biktima dahil sa mga sugat sa katawan," aniya.

Huling nakita si Dipino Miyerkoles ng hapon patungong Victorias City kung saan ito nagtatrabaho sa isang kainan.

Ayon sa kaniyang anak, breadwinner ng kanilang pamilya ang biktima.

"Mabait ang nanay ko at naghihikahos sa buhay para mabuhay kami," aniya.

Nanawagan ang pulisya sa kung sino man ang makapagbibigay ng impormasyon sa krimen lalo't na walang mga bahay sa paligid ng tubuhan.

Maliban sa anggulong panggagahasa, tinitingnan din ng mga pulis ang robbery. - ulat ni Nico Delfin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.