1 kagawad, 4 na inmates patay sa hiwalay na pananambang sa Talisay City

Leleth Ann Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2018 06:22 PM

Tinambangan si Art Stephen Bas, bagong-halal na kagawad ng Barangay Lagtang, Talisay City, habang papunta sana sa eskuwela sa Cebu City, Biyernes.

Apat ang patay sa magkahiwalay na pananambang sa Talisay City nitong Biyernes. 

Nasawi si Art Stephen Bas, bagong-halal na kagawad ng Barangay Lagtang, Talisay City, nang tambangan ng hindi pa kilalang salarin pasado alas-8 ng umaga.

Base sa imbestigasyon ng Talisay City Police, dahil mabigat ang daloy ng trapiko sa South Coastal Road sa Talisay City, tinabihan ang sasakyan ni Bas ng mga suspek. 

Dalawang anggulo ang tinitingnan nila sa imbestigasyon: una ang personal, pangalawa ang pagkakaaresto ng kaniyang ama na si Ferdinand Bas Abril nitong taon dahil sa nasamsam na mga baril sa kaniyang bahay. 

Papunta sana sa eskuwela si Bas na isang mechanical engineering student sa Cebu City.

Makalipas ang higit isang oras, tinambangan naman ang tatlong inmates ng Talisay City Jail na dadalo sana sa isang pagdinig. 

Patay sa insidente sina Yamyam Gaviola at Marwin Abelgas, pawang may mga kaso ukol sa ilegal na droga, at Rabadon Jovencio na naaresto sa kasong frustrated murder. 

Inabangan umano ng mga lalaking naka-motorsiklo ang van lulan ang 3 inmates, isang escort na jail guard at driver nito. 

Nakaligtas ang escort dahil sa suot nitong bulletproof vest habang nakailag naman ang driver sa gitna ng pamamaril. 

Dahil dito, padaragdagan ni Bureau of Jail Management and Penology 7 Regional Director Chief Supt. Arnold Buenacosa ang escort ng mga inmates sa panahong dadalo sila ng hearing. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.