Sa kabila ng mga protesta at petisyon, pagpapatupad ng Anti-Terror Law umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2020 08:26 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Epektibo na simula ngayong Sabado ang Anti-Terrorism Act of 2020 sa kabila ng samu't saring pagkuwestiyon at petisyon ng iba't ibang grupo laban dito.

Ito ay matapos sabihin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na ngayon na epektibo ang batas dahil nailathala na ang kopya ng batas sa website ng Official Gazette.

Pero iginiit ng dating tagapagsalita ng Korte Suprema na si Theodore Te na hindi pa dapat ngayong Sabado, Hulyo 18, ang pagpapatupad ng batas.

Para kay Te, hindi maaaring gamiting basehan ang paglathala ng batas sa internet lang, kundi dapat ang petsa ng paglimbag nito sa diyaro o papel.

Ibig sabihin aniya sa July 22 pa dapat ito ipatupad.

"There is no law that says that the online OG substitutes for the printed OG under Art. 2 of the Civil Code. Publication in the actual OG was on July 6, TF effectivity is July 22, not July 18. See Garcellano v HoR," ani Te sa isang tweet.

Layon ng Republic Act 11749 o “Anti-Terrorism Act of 2020” na bigyan pa ng ngipin ang 2007 Human Security Act para palakasin ang kampanya kontra terorismo, at ang mga inuugnay na aktibidad dito tulad ng kidnapping at bombing operations ng Abu Sayyaf Group.

Mayroon nang siyam na petisyon na inihain sa Korte Suprema para ipawalang-bisa ang batas at ipatigil ang pagpapatupad nito sa pangambang maaaring gamitin ito laban sa mga kritiko ng gobyerno sa umano'y hindi malinaw na depinisyon nito ng terorismo.

Pero giit ni Guevarra, epektibo na ang batas kahit pa binubuo pa lang nila ang implementing rules and regulations nito.

"The law will take effect even without the IRR, because the promulgation of the IRR is not a condition for the effectivity of the law. Some provisions are self-executing, like the organization of the ATC (Anti-Terrorism Council)," ani Guevarra.

Pero may mga probisyon din aniya na kailangan pang linawin kaya payo niya, mas mainam na hintayin ng law enforcers ang IRR.

"But there are provisions where operational details need to be spelled out or standards clearly defined in the IRR for a proper implementation of the law. It will be more prudent for law enforcement agents to await the promulgation of the IRR," ani Guevarra.

Naghayag ang iba't ibang grupo ng kanilang balak na magsumite pa ng mga petisyon kontra sa batas, kahit na umarangkada na ang pagpapatupad nito.

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.