Dinukot na Chinese national, nailigtas sa Pampanga

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2020 08:27 AM

Isang dinukot na Chinese national ang nailigtas sa operasyong ikinasa ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group sa Clark, Pampanga, Huwebes. 

Ayon kay Police Maj. Rannie Lumactod ng PNP-AKG, nagpunta sa kanilang tanggapan si Einna Alyssa Estrella para isumbong ang paghingi ng P140,000 na pera ng mga kidnapper kapalit ng kalayaan ng kaniyang live-in partner na si Xie Zhiqiang. 

Sa kuwento ni Estrella, Hulyo 13 nang mag-apply si Xie sa D'Heights Resort and Casino sa Clark Freeport Zone bilang isang POGO worker. 

Sinundo umano ng isang lalaking Chinese si Xie at dinala sa Pampanga para sa trabaho. 

Pero sa parehong araw din ay nakatanggap ng mensahe si Estrella mula sa biktima na sapilitan umano siyang pinagtatrabaho sa isang illegal online gambling at ikinulong din umano. 

Nag-demand ng pera ang mga kidnapper para umano makalaya ang biktima at hindi ito ibenta sa ibang kumpanya. 

Dito na nagkasa ng rescue operation ang awtoridad at sinalakay ang naturang kumpanya.

Nailigtas ang biktima pero walang nahuling suspek.