LTFRB, binatikos, dumepensa sa mga buwelta sa social media

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2017 07:36 PM | Updated as of Jul 18 2017 11:42 PM

Binatikos ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa social media dahil sa napipintong panghuhuli sa mga driver ng Grab at Uber na walang tamang permit. 

Dumepensa naman ang LTFRB na hindi sila ang dapat sisihin sa posibilidad na hindi na makabibiyahe ang libo-libong sasakyan sa ilalim ng Uber at Grab. 

Posibleng hindi na makabiyahe ang libo-libong driver sa ilalim ng Uber at Grab na walang tamang permit sa susunod na linggo.

Dahil dito, mababawasan ang opsiyon ng mga commuter, kaya binatikos sa social media ang LTFRB sa pasya nitong hulihin ang mga driver ng mga Transport Network Vehicle Services gaya ng Uber at Grab na walang prangkisa. 

Trending ang #WeWantUberGrab sa social media sa gitna ng napipintong paghuli sa mga driver ng Uber at Grab. 

Tinawag na 'Joke of the Day' ang posisyon ng LTFRB na dapat higpitan ang Uber at Grab para maging kasinligtas sila ng ibang sasakyang may prangkisa gaya ng taxi, bus, at jeep.

 

Umalma rin ang ilang celebrities, gaya nina Coleen Garcia, Saab Magalona, at Ethel Booba.

Gayumpaman, umapela ang LTFRB na hindi sila ang dapat sisihin dito dahil, anila, dapat sumunod ang Grab at Uber sa regulasyon ng pagkuha ng tamang permit para sa kanilang mga sasakyan. 

"I am appealing to you, do not turn the commuters against us. It is a mess that you have created on yourselves. But it will not stop there. We will penalize the TNC (Transport Network Company), but we have not penalized the commuters," ayon kay LTFRB chairman Martin Delagra. 

"Uber and Grab, alam niyo ba ang ginawa niyo? We are taking the blame. Uber and Grab, this is your making. We had a hearing. Where is your respect to that board?" ayon naman kay LTFRB spokesperson Aileen Lizada.

Sa kompiyutasyon ng LTFRB base sa naging pagdinig noong Hulyo 11, nasa 50,000 unit ng Uber at Grab ang bumibiyahe. Higit 30,000 dito ang may isyu sa pagkuha ng permit, at higit 20,000 naman ang kolorum. 

July 2016 nang suspendihin ng LTFRB ang pagtanggap ng mga aplikasyon ng mga sasakyan sa ilalim ng mga TNC para ayusin ang mga probisyon sa kautusang hindi nasusunod ng mga kompanyang ito. 

Ilan sa mga probisyong ito ang pagiging rehistrado ng tsuper at sasakyan sa LTFRB, at dapat ay may trade dress o marking ang sasakyan. 

Sa kabila ng suspensiyong ito, lumabas sa pinakahuling pagdinig na tumatanggap pa ang Uber at Grab ng aplikasyon. 

Kailangan ding kumuha muna ng akreditasyon sa LTFRB ang mga nais magmaneho sa ilalim ng Uber at Grab. Isa ito sa mga ipapasang requirement sa LTFRB para makakuha ng permit. Kailangan din nilang dumalo sa mga pagdinig para mabigyan ng prangkisa.

Subalit, ang nangyayari umano ngayon, matapos ang accreditation sa Grab at Uber, pinabibiyahe na ang mga driver. 

"It can never be said na iniipit namin ang mga TNC. It can never be said that we are not supportive of this technology. If there would be right-minded law-abiding who will be fully compliant of this, we will support you or else, get your business elsewhere," ani Delagra.

Dahil sa kaguluhan, bubuo ngayong linggo ang LTFRB ng technical working group kasama ang mga TNC para mapag-aralan kung paano ang gagawin sa mga Transport Network Vehicle Services na nakapag-accredit sa Grab at Uber pero wala pang permit sa LTFRB. 

Nagbayad naman na ang Uber ng P5 milyong multa, habang bukas naman umano magbabayad ang Grab dahil sa paglabag sa mga probisyon sa department order.

-- Ulat nina Willard Cheng at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.