ABS-CBN frequencies di puwedeng i-reassign kung kani-kanino lang: eksperto

Christian Esguerra, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2020 09:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Isinusulong ng isang kongresista na bumoto laban sa prangkisa ng ABS-CBN na gamitin na lang para sa distance learning ang mawawalang frequency ng network.

Mainit-init pa ang pagbasura ng Kamara sa hiling na prangkisa ng Kapamilya network pero gusto na agad ni Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte na gamitin ito ng pamahalaan.

Pero babala ng dating kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT), baka hindi maging praktikal ito para sa gobyerno.

"It may be more costly on the part of the government. Why? Because you need people to run that on a 24/7 basis," ani Rodolfo Salalima. 

Mas mainam sana kung ABS-CBN pa rin ang magpapatakbo at magbabayad na lang ang gobyerno para sa oras na gagamitin para sa distance learning.

Duda rin kasi sya na may kakayahan ang pamahalaan na patakbuhin ang broadcast nang buong araw sa loob nang isang linggo.

Dagdag pa niya, puwede rin naman kunin ng gobyerno ang ilang dating empleyado ng ABS-CBN para sa bagong broadcast. Yun nga lang, karagdagang gastos daw ito kumpara sa kung ABS-CBN pa ang nagpapatakbo.

"Puwede din but it is very costly now because you’re going to keep alive the entire network. Samantalang kung nag-o-operate ngayon ang ABS-CBN, it is ABS-CBN paying for the operations of the network."

Ayon pa kay Salalima, di basta-basta puwedeng i-reassign ang mga frequencies ng ABS-CBN. Ayon kasi sa batas, dapat ibigay ito sa pinakakuwalipikado at hindi sa kung sino lang.

"The radio frequency spectrum is a scarce public resource that shall be administered in the public interest and… granted to the best qualified," ayon sa Public Telecommunications Policy Act of the Philippines. 

Ngayon wala nang prangkisa ang ABS-CBN, aminado si Salalima na di magiging madali na makuha muli ang mga mawawalang frequency.

Sakaling mabigyan muli ng prangkisa pagdating ng araw, puwedeng makakuha ang ABS-CBN ng mga nalalabing frequency o silipin kung merong magagandang frequency na kahit okupado na ay di naman nagagamit nang lubos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.