'Utak' sa Mayor Bote slay, 'nagpahiwatig ng pagsuko'

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2018 08:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpahiwatig ng pagsuko ang itinuturong mastermind sa pagpaslang sa mayor ng General Tinio, Nueva Ecija, ayon sa tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP).

Tinukoy ng PNP ang utak ng pagpatay kay Mayor Ferdinand Bote bilang isang nagngangalang Christian Saquilabon na isang contractor sa Nueva Ecija.

"He already sent some surrender feelers sa ating regional director," ani Senior Superintendent Benigno Durana Jr., PNP spokesperson, sa panayam ng "Dos Por Dos" sa DZMM.

"[We communicated] to him that life on the run is the most miserable thing that can happen to a person. So, we encouraged him, through an intermediary, na he has to turn himself in. Kasi, medyo mas he has a better chance, probably of making his life a bit more bearable."

Si Saquilabon ang ininguso ng tatlong idinadawit sa pagpatay kay Bote, kabilang ang dalawang hinihinalang gunmen na nadakip sa Camarines Sur noong nakaraang linggo, ayon kay Central Luzon police director Chief Superintendent Amador Corpus. 

Sumuko naman sa mga awtoridad ang kanila umanong driver. 

Nakatutok na ngayon ang pulisya sa anggulong may kinalaman sa away sa proyekto ng gobyerno o negosyong construction ng mga Bote ang pagpaslang sa mayor.

May-ari rin ng sariling construction company si Saquilabon.

"Most probable motive na na-establish natin ay... more on business. Nagkaroon sila ng alitan dito," sabi ni Durana. "'Yong mga kasong murder ay ipa-file pa lang. We have very strong pieces of evidence against the gunmen and the mastermind."

Hulyo 3 nang pagbabarilin ang SUV na sinasakyan ni Bote na noo'y kalalabas lang sa National Irrigation Administration office sa Cabanatuan City. 

Nangyari ang pananambang kay Bote isang araw lang matapos barilin din si Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili habang nasa flag ceremony.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.