3 CAFGU patay sa pananambang

Rodge Cultura, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2018 08:28 PM

BUTUAN CITY - Patay ang 3 miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) matapos tambangan sa bayan ng Nasipit, Agusan del Norte nitong Sabado.

Dead on arrival sa Nasipit District Hospital si Totong Sulaygay. 

Dinala naman sa isang ospital sa Butuan ang kasamahan nitong si Corporal Sahari Jamjahare ngunit binawian din ng buhay noong Sabado.

Nasawi naman ang kasamahan nilang si Erwin Mandahinog nitong Lunes ng madaling araw.

Ayon sa pulisya, pinaulanan ng bala ng hindi pa kilalang mga salarin ang mga biktima habang sakay ito ng habal-habal noong Sabado.

Ayon kay Senior Insp. Calvin Placer Jr., hepe ng Nasipit Municipal Police, hindi pa nila napuntahan ang lugar kung saan nangyari ang ambush dahil maliban sa critical area, ito ay may operation pa doon.

Duda ang kapulisan na miyembro ng New People's Army ang nasa likod ng pananambang sa mga biktima. 

Hindi pa matiyak kung anong klase ng armas ang ginamit sa pananambang.

Sinuri din ng pulisya ang nakuhang lead na may galit sa isa sa tatlong biktima at may posibilidad na paghihiganti ang motibo sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.