'Delikado’: House-to-house ng mga pulis para sunduin ang COVID-19 patients inalmahan

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2020 07:32 PM | Updated as of Jul 15 2020 08:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nangangamba ang ilang residente, maging ang ilang politiko sa plano ng gobyerno na sunduin ng mga pulis ang mga pasyenteng may COVID-19 o pinagsususpetsahang may sakit nito. 

Magugunitang sinabi ni Department of the Interior and Local Government chief Eduardo Año na magsasagawa sila ng bahay-bahay para hanapin ang mga pasyenteng positibo at pinaghihinalaang may COVID-19 para ilagay sa mga quarantine facility. Tinatawag itong "Oplan Kalinga." 

Ginawa na aniya ito sa Cebu City. 

"'Yung pagbahay-bahay na ito ay pangungunahan ng ating public health authorities at ating mga pulis ay mag-a-assist lang.
Kailangan ambulansya kasi violation ng protocol kapag mobile at saka yung pulis kasi hindi naman trained ang ating pulis diyan," ani Año sa panayam sa Teleradyo. 

"Mayroon naman tayong listahan ng mga positive na naka-home quarantine. Ngayon titingnan din natin ang mga suspect dito na halimbawa ay ayaw mag-report, ayaw lumantad pero may mga reports sa atin na ito ay maaaring infected na, so puwede nating mai-test ito agad at kung talagang positive at ilalabas natin agad," ani Año 

Pangamba ng ilang residente, gaya ng magkapatid na sina Rosemarie at Marilou Magan na baka magkamali ang gobyerno sa pagdampot ng COVID-19 patients. 

"Natatakot po. Siyempre po malay mo po wala naman dito tapos magkamali sa amin madala po kami mahirap na po," ani Magan.

Para kay Senador Risa Hontiveros, maaaring ikatakot ng publiko ang plano ng gobyerno, na aniya'y mistulang "Oplan Tokhang" ng Philippine National Police para sa mga drug suspect. 

Giit niya, mas kakailanganin ngayon na i-deploy sa mga kabahayan ang mga doktor at health worker at hindi mga pulis. 

"This may actually discourage more people from reporting their status. We need to improve home- & community-based healthcare. Imbes na pulis, mas kinakailangan ang mga doktor at health workers sa barangay at mga kabahayan. We need more and better barangay-based healthcare, not this," ani Hontiveros. 

Binigyang-diin din ni Hontiveros na bagama't tama na matunton ang mga COVID-19 positive at agad na ipa-isolate, hindi house to house search ang sagot dito. 

Para naman kay Sen. Sherwin Gatchalian, magiging delikado para sa mga kapulisan ang pagbabahay-bahay. Mungkahi niya, dapat idiretso na lang sa isolation facilities ang mga pasyenteng magpopositibo sa sakit. 

“'Yung house to house is very dangerous, delikado. Maraming asymptomatic eh. Baka mahawahan ang mga pulis natin at kapag nahawahan, magkukulang tayo sa tao. So a better strategy kapag positive dalhin agad sa isolation centers.”

Pero para kay Senate President Vicente Sotto III, wala siyang nakikitang problema rito, basta't isagawa nang naaayon sa batas. 

“It appears that they are dead serious in truncating the spread of the virus. As long as it is within due bounds then I don’t see a problem," ani Sotto. 

Sa isang text message, sinabi ni Justice secretary Menardo Guevarra na wala silang alam sa sinasabing house-to-house ng mga pulis.

Pero gaya ng nabanggit ni Hontiveros, sinabi ni Guevarra na dapat mga barangay health worker at hindi pulis ang gumawa nito. 

Nilinaw ni Joint Task Force COVID shield Commander Gen. Guillermo Eleazar na tutulong lang ang mga pulis sa "Oplan Kalinga." 

"Tutulong ang ating pulisan. hindi kami magkukusa na kami kami magkakakatok. Hindi po sa pangunguna ng mga health workers. Pupuntahan ang ihahatid sa facilities. Maghihintay kami sa magiging guidance ng LGU," ani Eleazar.

Tiniyak naman ni Año na sang-ayon ito sa Republic Act 11332 na nagtatakda ng karampatang parusa sa mga hindi susunod at hindi magre-report ng mga posibleng kaso ng sakit. Wala rin aniyang dapat katakutan sa kanilang plano. 

Huwag kayong matakot kung kayo'y positive. Huwag din kayong matakot kung kayo'y i-isolate mas madali ang paggaling ninyo. 

"Mas convenient kapag nandoon ka sa isolation facility, may doktor na nag-aalaga, may pagkain," ani Año. -- May ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.