Mambabatas dinepensahan ang TWG report vs ABS-CBN franchise

Christian Esguerra, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 07:49 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Nagsalita na ang isang miyembro ng technical working group (TWG) na binuo ng komite sa Kamara na nagrekomendang ibasura ang hiling na bagong prangkisa ng ABS-CBN.

Inabot nang 40 pahina ang report kung saan idinetalye ang mga diumano’y paglabag ng ABS-CBN sa dating prangkisa nito.

Ang dokumentong ito ang naging basehan ng pagbasura sa hiling na bagong prangkisa ng broadcast network.

Aminado si Cebu Rep. Pablo John Garcia, isang miyembro ng TWG, na maikli ang panahon para pasadahan ng mga kongresistang bumoto ang buong report.

"Probably more than an hour to go over the 40-page report."

May duda ang journalist na si John Nery, chairman ng Asian Center for Journalism sa Ateneo, kung nabusisi talaga ang report bago ang botohan.

"I think this tells us that essentially, the report was written as a rationalization of something that had already been decided," ani Nery.

Tanging si Marikina Rep. Stella Quimbo ang di sumang-ayon sa rekomendasyon ng TWG na binubuo ng 3 miyembro.

Sabi naman ni Garcia, malinis ang kaniyang konsensiya sa naging rekomendasyon.

Giit ni Garcia, naging mahaba at komprehensibo ang mga pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN kaya marami na sa mga kongresista ang may kanya-kanya nang posisyon sa isyu.

Aniya, kinonsulta ng TWG ang mayorya sa Kamara, pati na ang mga lider ng iba’t ibang voting blocs dito.

Dagdag pa ni Garcia, ayaw nilang panghimasukan ang isyu ng press freedom, kahit pa dati nang ipinangako ng Pangulo na sisiguraduhin niyang di mare-renew ang prangkisa ng network.

Sari-saring grupo ang kumondena sa naging desisyon ng Kamara, na isa umanong anyo ng pagkitil sa malayang pamamahayag sa Pilipinas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.