Konsehal na 'nanghila' sa nakahigang aso sa Batangas, binatikos

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 07:55 PM | Updated as of Jul 14 2020 10:08 PM

Umani ng sari-saring batikos mula sa netizen ang larawan ng isang konsehal makikita umanong hinahatak nito ang isang nakahigang aso sa Barangay Pangao sa Lipa, Batangas. 

Sa kuhang larawan, makikita na hinihila ni konsehal Felix Lingao ang aso. Ang ilang netizen, nag-tag pa sa mga comment ng mga kilalang animal foundation. 

Nakarating na sa Lipa City Veterinarian Office ang nangyari, at sabi nila, mali ang naging paraan sa paghuli sa aso.

“Kung ang basis ko lang is the picture makikita mo na mali talaga because the method of catching the dog hindi yun ang tama, hindi yun ang according to animal welfare act,,” ani Marigold Manalo, assistant veterinarian ng Lipa City Veterinarian Office. 

Pero depensa ni Lingao, nabigyan ng ibang kahulugan ang retrato. 

"Siyempre ang aso nagwawala inaayos ko ang panghuli pagka nung naayos ko medyo bumaligtad yung aso kaya nakatalikod ako dun pinababangon ko yung si aso bago ulit dalhin dine sa kulungan,” ani Lingao. 

Dinepensahan din ng Barangay Chairman na si Juanita Litan ang konsehal dahil ipinapatupad lamang umano nito ang kanilang ordinansa sa lungsod maging sa barangay tungkol sa mga asong gala. 

"Sanay naman siyang pag nanghuli ay dala ang kulungan siguro ay nakalimot din ari may kasabihan pag ang tao ay mamalasin ay di nagkakaganun pero hindi naman nun laang nanghuli at ilang aso na ang nahuli lahat naman ay dala na ang kulungan lahat ay ayos,” ani Litan. 

Maging ang may-ari ng aso na si Regie Mateo, naunawaan naman daw ang kalagayan ng konsehal. 

"Di naman niya alam na siya ay napicturan nang ganun dahil nung time na ano nagpaliwanag sa akin," ani Mateo. 

Tiniyak ng Provincial Veterinary Office na sumasailalim sa training at seminar ang mga barangay veterinarian nila. 

Pero paalala ni Manalo, pangalagaan nang maayos ang mga aso. 

“Basically ituring mo na rin na kapamilya mo na rin yung pag-aalaga parang sa tao rin, bigyan mo ng adequate attention kung di sya nakakaramdam ng ganun mags-osocialize siya,” ani Manalo. 

— Ulat ni Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.