Ilang Metro Manila hospitals 'di na kayang tumanggap ng COVID-19 patients

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 08:20 PM | Updated as of Jul 14 2020 10:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilan pang pangunahing ospital sa Metro Manila ang nagsabing hindi na rin sila makakatanggap ng mga bagong pasyente dahil malapit nang mapuno o puno na ang kanilang mga COVID-19 ward. 

Puno na ng mga COVID-19 patient ang National Kidney and Transplant Institute, ayon sa pamunuan ng ospital. Dahilan ito para tanggihan na nila ang mga pasyenteng severe o kritikal sa sakit. 


Paliwanag ni Dr. Rosemarie Liquete, NKTI Executive Director, nasa 138 ang kanilang bed capacity para sa mga COVID-19 patient, kabilang dito ang mga pasyenteng positibo at pinaghihinalaang may coronavirus, maging ang mga COVID-19 positive patient na nagda-dialysis. 

“Halos araw-araw may isa na nagpopositibo, at hindi lang mga pasyente, pati mga healthcare worker namin nagpopositibo rin. Kung kaya nagdesisyon na kami to scale down operations dahil wala kulang na rin ng healthcare worker,” ani Liquete. 

Si alyas “Jonathan” isang healthcare worker nagpositibo sa coronavirus noong Marso. 

Una siyang dinala ng mga barangay official sa isang ospital sa Mandaluyong. 

Pero hindi aniya siya na-confine doon dahil puno na ang mga ospital. 

“Gaya ng nangyayari ngayon, Wala po talagang nag-a-admit na ospital, especially yung mga moderate cases. yung mga hindi naman malala. Kasi ang advise nila pag mild to moderate pwede po sa bahay,” ani “Jonathan” 

Pero dahil nagka-pneumonia si Jonathan, tinulungan siya ng mga katrabaho na ma-confine sa San Lazaro Hospital sa Maynila. 

Nagpaabiso rin ang St. Luke’s Medical Center na puno na ang intensive care unit nila sa Quezon City at Bonifacio Global City. 

Kaya ang apela nila sa publiko, dalhin muna sa ibang pagamutan ang mga COVID-19 patient na kritikal ang kalagayan. 

"Kapag na-overwhelmed ang ER wala nandoon sila sa labas may mga tent din kami sa labas, sa corridor whatever. Kaya nga ang appeal namin kung meron mang ospital na kasi marami ang nag-a-announce na wala na rin sila ang problema is saan dadalhin pangalawa, maraming pasyente ang ayaw magpalipat. For a while isang ward na lang ang bukas sa amin eh for a while and now its back to 3 wards, 3 areas so its going to be again a hard battle again I think,” ani SLMC chief medical officer Benjamin Campomanes. 

Sinabi na rin ng Makati Medical Center na hindi na nila kayang mag-alaga ng mga pasyenteng suspected o positibo sa COVID-19, kahit pa man nagdagdag sila ng mga pasilidad at tauhan. 

Sa Philippine General Hospital, umaabot na sa 179 ang COVID-19 patients pero nasa 130 lamang ang bed capacity nito. 

Sa San Lazaro Hospital, nasa 66 naman ang COVID-19 patients, kahit pa man nasa 55 lamang ang kanilang bed capacity rito. 

Siniguro naman ng Malacanang na may mapupuntahan pa ring mga pagamutan ang mga may COVID-19 sa Metro Manila. 

Ayon sa bagong COVID-19 treatment czar na si Leopoldo Vega, gusto pa nilang dagdagan ang mga pasilidad sa mga pampublikong ospital. 

Hihilingin din nila sa mga pribadong ospital na ilaan ang 30 porsiyento o higit pa ng kanilang bed capacity para sa mga COVID-19 patient. 

— Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.