Panibagong 'hazard pay' para sa traffic enforcers itinutulak

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2019 04:16 PM

Posibleng makatanggap ulit ng hazard pay ang mga traffic enforcer, ayon sa pinuno ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay MMDA chairman Danilo Lim, malaki ang tsansang maibalik ang karagdagang bayad kahit hindi hazard pay ang itatawag dito.

"Mukhang posible namang maibalik, pero hindi na ganoon, hindi na hazard pay. Kahit na anong tawag diyan, anong klaseng pay iyan, importante may dagdag na pakinabang, benepisyo ang mga enforcers natin," sabi ni Lim ngayong Linggo sa harap ng higit 2,000 field employees ng ahensiya sa Quirino Grandstand.

Tiniyak din ni Lim sa mga tauhan ng MMDA na isinusulong din nila ang pagkakaroon ng mas mataas na sahod, at pagdami ng mga regular at casual na empleyado.

Umaasa raw sina Lim na ang karagdagang bayad ay mapapabilang sa susunod na pondo ng MMDA.

Bukod sa mga mambabatas, dumulog na rin ang MMDA sa Malacañang.

"Sumusulat na tayo, may nakakausap na tayo. Hopefully, paglabas ng susunod na budget natin kasama na iyan. Ifo-follow up natin, hindi ititigil, dahil marami namang tumutulong. Maraming nakakaintindi sa kalagayan ng mga traffic enforcers," ani Lim.

Dating ibinibigay ng MMDA ang hazard pay sa mga enforcer bilang insentibo kontra korapsyon pero itinigil ito sa rekomendasyon ng Commission on Audit.

Noong Hunyo, lumabas sa isang pag-aaral ng isang grupo mula University of the Philippines na nanganganib ang mga enforcer na makaranas ng sari-saring sakit, gaya ng high blood pressure at problema sa paghinga, dahil sa polusyon.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.