Roque: Malaking kawalan ang di pag-renew ng prangkisa ng ABS-CBN

Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 05:15 PM | Updated as of Jul 13 2020 07:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Malaking kawalan sa gobyerno ang pagkawala sa ere ng ABS-CBN, na nakatutulong sa pagpapakalat ng mahalagang impormasyon sa publiko.

Ito ang inamin ni Presidential Spokesperson Harry Roque ngayong Lunes, ilang araw matapos ibasura ng komite sa Kamara ang aplikasyon ng network para sa bagong prangkisa.

"Mayroon po bang malaking kawalan dahil hindi nabigyan ng franchise ang ABS-CBN? Aaminin ko po, mayroon po," ani Roque sa press briefing.

"Noong ako po'y naging tagapagsalita, malaki rin po naging utang na loob ko dahil number 1 naman po talaga sa reach ang ABS-CBN. Nalulungkot po ako na dumating sa punto na hindi po na-renew ang prangkisa," dagdag niya.

Iginiit ni Roque na maging siya ay nasaktan sa nangyari sa ABS-CBN gayong malaki umano ang utang na loob niya sa network.

Pero kung sang-ayon man o hindi ang taumbayan sa naging desisyon ng mga kongresista, dumaan naman ito sa tamang proseso, ayon kay Roque.

Wala na umanong magagawa ang mga Pilipino kundi mag-move on na lang.

"Maski po tayo manghinayang, eh tapos na po ang boksing. At dumaan na po sa proseso, sang-ayon sa Saligang Batas. Wala na po tayong magagawa. Let’s move on," ani Roque.

Dumistansiya rin ang Malacañang sa umano ay naging papel ni Pangulong Duterte para harangin ang bagong prangkisa ng network.

Iginiit ni Roque na hinayaan umano ng pangulo na bumoto ang mga mambabatas sa isyu.

Mali rin umanong ihalintulad ang nangyari sa naging pagpapasara sa kompanya noong Martial Law.

Humirit naman si Sen. Francis "Kiko" Pangilinan sa Palasyo na magpaliwanag sa libo-libong empleyado ng ABS-CBN na nangangambang mawalan ng hanapbuhay.

Nang tanungin naman kung may plano ang gobyerno para tulungan ang mga manggagawa ng network, sinabi ni Roque na puwede namang makasabay ang mga ito sa mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya sa paghingi ng ayuda mula sa gobyerno.

Puwede rin daw silang umutang sa mga ahensiya para makapagtayo ng negosyo.

Bago pa man ang desisyon ng Kongreso noong Biyernes, ilang ulit nang nagbanta ang pangulo na harangin ang prangkisa ng ABS-CBN.

Pero iginiit ng Palasyo na napatawad na umano ng Palasyo ang network. -- Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.