Pasig may pautang sa mga residenteng apektado ang kabuhayan

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 06:21 PM | Updated as of Jul 13 2020 08:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May alok na pautang ang lokal na pamahalaan ng Pasig para sa kanilang mga residenteng nawalan ng trabaho o negosyo ngayong may pandemya.

Sa ilalim ng Tulong At Pampuhunang Ayuda para sa Taga-Pasig (TAPAT) program, P5,000 ang maaaring i-loan ng mga nawalan ng trabaho at kailangan ng pinansiyal na tulong sa paghahanap ng trabaho.

Nasa P10,000 naman ang maaaring utangin ng mga apektadong may negosyo o kahit ang mga gustong mag-negosyo.

Requirement lamang sa loan ang pruweba na naapektuhan ang trabaho o negosyo mula noong enhanced community quarantine.

"Basta Pasigueno, 18 years old pataas at walang trabaho sa kasalukuyan," ani Pasig Mayor Vico Sotto.

"Sa unang taon ng loan walang babayaran, zero. sa pangalawang taon ng loan, by installment pero zero-percent interest pa rin. Magkakaroon pa lang ng interest on the third year," ani Sotto.

Sa kabuuan, nakapaglaan ng P200 milyon ang Pasig sa programang TAPAT, na inaasahang magkakaroon ng hanggang 40,000 benepisyaryo.

Sa ngayon, ayon kay Sotto, pinakamaraming aplikante ang mga gustong magnegosyo at gustong makabawi sa kanilang pagkalugi. -- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.