Pamilya sa San Mateo, Rizal minasaker; 8-anyos patay, 2 iba pa agaw-buhay

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 06:56 PM | Updated as of Jul 13 2020 10:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Patay ang isang 8 taong gulang na batang babae habang sugatan naman ang 2 pa nang matagpuan sila sa loob ng isang bahay sa San Mateo, Rizal nitong Lunes.

Sa report ng San Mateo Municipal Police Station, natagpuan ang mga biktimang 8-anyos babae, 84-anyos na lola nito, at kanilang 58-anyos na tiyuhin na duguan matapos pagsasaksakin at hambalusin sa kanilang tahanan sa Barangay Maly. 
 
Ayon sa mga kaanak ng biktima, posibleng kakilala ng mga biktima ang salarin. 

Agad naman nakaresponde ang mga tanod at mga pulis at nadala sa ospital ng mga biktima, bagama't idineklarang dead on arrival na sa ospital ang bata.
 
Malubha namang nasugatan ang lola at anak nito na patuloy pa ring ginagamot.

Ayon sa San Mateo Municipal Police Station, lumalabas na walang senyales ng puwersahang pagpasok sa loob ng bahay. 
 
Matitigas na bato o hollow blocks ang lumalabas na ginamit sa krimen at posibleng lagpas sa isa ang gumawa ng krimen. 
 
"Iyung initial wala pa nakikitang nawawalang gamit sa loob ng bahay... Puwedeng galit at paghihiganti... Walang forcible entry na nangyari," ani Police Lt. Col. Jaycon Ramos, hepe ng istasyon.

Sa ngayon, may tinututukan nang persons of interest ang mga pulis at inimbitahan na rin sa police station ang 9 na inabutan sa loob ng compound para makapagbigay linaw sa krimen. 

—May ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.