Listahan ng mga mambabatas na pumatay sa ABS-CBN franchise dapat ilabas: Zarate

Zandro Ochona, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 04:49 PM | Updated as of Jul 13 2020 10:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Dapat ilabas ang listahan ng mga mambabatas sa Kamara na bumotong patayin ang prangkisa ng ABS-CBN, sa ngalan umano ng transparency at accountability, sabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

Ani Zarate, walang dahilan para ilihim ang mga pangalan ng mga kongresistang bumoto para mawala sa ere ang Kapamilya network.

"No reason at all to withhold release of the list as it is part of an official public proceedings... The principles of transparency and accountability dictate that the public be informed how their representatives voted on this very crucial issue," aniya sa isang pahayag.

Biyernes nang kitilin ng House committee on legislative franchises ang aplikasyon ng ABS-CBN sa panibagong 25-taong prangkisa para makapag-broadcast.

Nasa 70 mambabatas ang bumoto pabor sa resolusyon ng binuong technical working group na nirekomendang huwag bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN, kumpara sa 11 na tumutol dito.

Samantala, dalawa ang nag-inhibit at isa ang nag-abstain.

Nagmula ang mga mambabatas sa House committee on legislative franchises at mga lider ng Kamara na ex-officio members.

Sa ngayon, may ilan na ring mambabatas at mga pribadong indibidwal na nagpaplanong pormal na humingi ng listahan mula sa secretariat ng komite.

Maraming grupo ang kumukondena sa desisyon ng komite, lalo't lumabas sa isang survey na 3 sa 4 na Pinoy ang pabor sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.