IED sumabog malapit sa military detachment at quarantine facility sa Maguindanao

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 06:21 PM

DATU UNSAY, Maguindanao - Isang improvised explosive device ang sumabog sa gilid ng National Highway ng Barangay Meta, Datu Unsay, Maguindanao Lunes ng hapon.

Ayon sa pulisya, sumabog ang IED ilang metro ang layo mula sa military detachment at COVID-19 quarantine facility ng bayan.

Dagdag pa ng pulisya, dumaan sa lugar ang military truck ng mga sundalo saka nangyari ang pagsabog. Bahagyang tinamaan ng mga shrapnel ang military truck.

Malaki umano ang posibilidad na ang mga sundalo ang target ng pagpapasabog.

Walang namang nasaktan sa mga sakay ng military truck.

Patuloy na iniimbestigahan ang insidente.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang mangyari rin ang isang pagsabog sa katabing bayan ng Shariff Aguak, na ikinamatay ng isang pulis at isang sibilyan at ikinasugat ng apat na police personnel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.