Zeny Maranan ng FEJODAP, pumanaw na

Michael Delizo at Doris Bigornia, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2020 12:21 PM | Updated as of Jul 13 2020 07:56 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Pumanaw nitong Sabado ang transport leader na si Zeny Maranan, 75, na isa sa mga aktibong nagsulong sa kapakanan ng mga tsuper bilang presidente ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP).

Sa panayam sa telepono, sinabi ni Bobot Zapanta, pamangkin ni Maranan at nagsisilbing tagapagsalita ng pamilya, pumanaw ang FEJODAP president habang naka-confine sa ospital sa Antipolo City, Rizal dahil sa cardiac arrest bandang alas-5 ng hapon kahapon.

Matagal nang may sakit sa puso si Maranan, ayon kay Zapanta.

“Kami ay nagulat dahil she’s showing good signs (but) all of a sudden, nagkaroon siya ng cardiac (arrest) kahapon around past 4 (in the afternoon). Sabi ng doktor sa akin, 5 o’clock itinigil na nila ’yung pag-revive,” ani Zapanta.

Hulyo 2 nang dalhin si Maranan sa ospital upang magpa-check up dahil sa masamang pakiramdam. Nagpahinga ito doon at pinayuhang magpa-schedule ng angiogram.

Ani Zapanta, matagal nang may sakit sa puso si Maranan at pinayuhan ito ng mga kaanak na magpahinga dahil sa kondisyon nito. Pero nanindigan umano ang transport leader na asikasuhin ang kapakanan ng mga driver.

Naaawa raw si Maranan sa mga tsuper na hindi makapagtrabaho at wala nang makain dahil sa tigil-pasada na ipinatupad bunsod ng pandemya.

“Siguro po, dinidibdib din niya dahil sa kanya ang bato ng problema,” ani Zapanta. “Talagang kapakanan pa rin ng mga driver ang sinasabi niya eh. Naawa siya, nakikita niya ’yung mga drivers niya na ganon. Talagang iniisip niya pa rin ’yun.”

Kasama ang mga jeep sa mga uri ng pampublikong transportasyon na tumigil ang pasada noong Marso matapos i-lockdown ang ilang bahagi ng bansa dahil sa pagkalat ng COVID-19.

Kahit nagluwag na ang mga quarantine measure, marami pa ring tsuper ang hindi nakababalik sa pagpasada.

Sa panayam sa kaniya nitong mga nakaraang linggo, hindi naitago ni Maranan ang sama ng loob sa pamahalaan dahil sa pagbawal sa mga tradisyunal na jeep na bumiyahe.

Aniya, 90 porsiyento ng mga miyembro ng kanilang grupo ay apektado ang pamumuhay dahil sa kawalan ng kita sa loob ng halos tatlong buwan.

Bagaman negatibo sa COVID-19 si Maranan, isinailalim sa cremation ang kaniyang labi Linggo ng madaling araw dahil posible umanong na-expose siya sa virus habang nasa ospital, ayon kay Zapanta.

Magkakaroon ng pagtitipon ang mga kasamahan sa grupo at supporter ni Maranan sa Lunes hanggang Martes sa Haven of Angels Memorial Chapel sa Antipolo, bago ang pribadong pagluluksa ng kaniyang pamilya. 

Naiwan ni Maranan ang isang anak na nasa Amerika sa ngayon. 

Bumaha naman ang pakikiramay mula sa mga kasamahan ni Maranan sa transport sector.