Civil Service Commission magkakasa ng job fair sa Setyembre

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2020 08:32 PM | Updated as of Jul 14 2020 01:40 PM

MAYNILA (UPDATE) — Sa gitna ng problema sa kawalan ng trabaho, isang malawakang online job fair ang ilulunsad ng Civil Service Commission (CSC) sa Setyembre katuwang ang iba't ibang kompanya. 

Idaraos ang job fair mula Setyembre 14 hanggang 18.

Kahit nasa bahay, maaaring mag-apply. Kahit walang civil service eligibility ay may maa-apply-an pa rin.

Patuloy na hinihimok ngayon ng CSC ang lahat ng government agencies na makiisa hanggang Agosto 14 at ipagbigay-alam sa kanila ang job vacancies.

"Walang babayaran ang agencies that will enroll and the job seekers who will apply," ani CSC Commissioner Aileen Lizada.

Pero aminado ang ibang nawalan ng trabaho na hindi ganoon kadali na makipagsabayan sa dami ng mga aplikante.

Ito ay lalo't una nang iniulat ng Philippine Statistics Authority nitong Hunyo na pumalo na sa 7.3 milyon Pilipino ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Marami ring overseas Filipino workers na nagbalik-bansa at tigil-trabaho muna.

Aabot naman sa higit 40,000 na job vacancies ang alok ng JobStreet.

Sa survey na isinagawa ng JobStreet, lumabas na mataas ang bilang ng mga nawalan ng trabaho.

"Mayroon tayong halos 4,000 sumagot sa ating survey... isa sa lima, so that's 20 percent ay nawalan ng trabaho, sila raw po ay na-retrench permanently noong Mayo," ani Yoda Buyco, marketing director ng JobStreet.

"Mayroon naman pong 47 percent or 5 sa 10 na nagsasabi na kami ay temporarily hindi nagtatrabaho, so either naka-hold ang posisyon... or kung hindi man, sila ay naghihintay ng desisyon ng kompanya," dagdag ni Buyco.

Tumaas naman ang demand para sa mga call center agents, ayon sa Trabahanap.

Kabilang din sa mga may bakante sa sales, factory at production worker, driver, at helper.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.