3 sa 4 Pilipino pabor sa pag-renew ng ABS-CBN franchise: SWS

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2020 04:25 PM | Updated as of Jul 12 2020 07:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Tatlo sa bawat 4 na Pilipino ang gustong i-renew ng Kongreso ang prangkisa ng ABS-CBN, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations.

Sa survey na ginawa mula Hulyo 3 hanggang 6, lumabas na nasa 76 na porsiyento o 3 sa bawat 4 na Pilipino ang gustong i-renew ang prangkisa ng Kapamilya network.

Higit kalahati naman ng mga respondent ang naniniwala na ang hindi pag-renew ng ABS-CBN franchise ay malaking dagok sa press freedom o kalayaan sa pamamahayag.

Pinakamalakas ang suporta sa pag-renew ng prangkisa sa Mindanao, at rural areas o malalayong lugar.

Noong Biyernes, pinatay ng House committee on legislative franchise ang aplikasyon ng ABS-CBN Corp. para sa panibagong 25-year franchise.

Sa 85 lumahok sa botohan, 70 kongresista ang pumabor na aprubahan ang resolusyon na nagrerekomendang huwag bigyan ng bagong prangkisa ng ABS-CBN.

Labingisa naman ang kumontra sa rekomendasyon ng technical working group o pabor na bigyan ng prangkisa ng ABS-CBN.

Sa pagsasara ng ABS-CBN, nangangambang mawawalan ng trabaho ang maraming empleyado ng kompanya.

Ayon kay Raul de Asis, pangulo ng ABS-CBN Supervisory Employees Union, bagaman hindi nila tanggap ang desisyon ng komite, hinahanda na rin nila ang kanilang mga sarili sa oras na mawalan sila ng trabaho.

Kailangan din daw kasi nilang sustentuhan ang kanilang pamilya.

"'Yong mga bata mismo na nakakapanood sila sa TV, ang tanong nila sa akin, 'Daddy makakapag-aral pa ba kami?'" ani De Asis.

"Nahihirapan sila, hanggang sa ngayon, kahit 'yong mga miyembro natin sa Mindanao, Cebu, ibang part ng Luzon," dagdag niya.

Ayon naman sa pinuno ng ABS-CBN Rank and File Employees Union na si Jon Villanueva, mistulang torture para sa kanila at kanilang pamilya ang paghihintay sa desisyon ng komite.

Ikinalungkot din umano nila ang napabalitang boto ng ilang mambabatas na inasahan nilang kakampi sa kanila.

"'Yong TUCP (Trade Union Congress of the Philippines) na si [Congressman] Raymond Mendoza na nagtataguyod ng welfare ng manggawa, bumoto para kitilin 'yong hanapbuhay ng manggagawa," ani Villanueva.

Ayon naman sa pinuno ng data analytics team ng ABS-CBN na si Edson Guido, maaaring magkaroon ng mas malawak na epekto sa ekonomiya ang pagkawala ng libo-libong trabaho dahil sa pagsasara ng kompanya.

Apektado rin umano ng ABS-CBN shutdown ang mga negosyo at kabuhayan ng marami pang mga Pilipino.

"Kasama dito 'yong tinatawag natin multiplier effect. Kunyari, si Juan na empleyado ng ABS-CBN, nakakuha siya ng suweldo niya, so mayroon siyang kontribusyon sa economy. 'Pag kumain naman siya sa restoran sa tapat ng ABS-CBN, 'yong restoran na 'yon magpapasuweldo kay Maria na tagapamahala sa restoran, na magpapadala naman siya ng pera sa probinsya niya na panggastos ng pamilya niyang si Jose," paliwanag ni Guido.

Watch more in iWant or TFC.tv

KILOS-PROTESTA TULOY-TULOY

Samantala, sunod-sunod naman ang kilos-protesta para ipanawagan ang pagbalik ng broadcast operations ng ABS-CBN.

Sa harap ng headquarters ng network sa Quezon City noong gabi ng Sabado, walang humpay ang sigaw ng mga empleyado at tagasuporta ng network para igiit ang kalayaan sa pamamahayag.

Kabi-kabila rin ang busina ng mga dumadaang sasakyan.

Kasama sa mga personalidad na naki-rally ang aktres na si Bea Alonzo, na nagsabing ito ang panahon para magkaisa ang mga Pilipino.

Nag-ingay din ang mga madre ng St. Scholastica's College sa Maynila.

Pito, mga lata at gong ang ginamit ng mga madre ng paaralan para makiisa sa noise barrage.

Sa Naga, nagtipon-tipon ang iba't ibang mga grupo kasama ang mga empleyado ng network para sa motorcade at candle-lighting activities.

Nagsindi rin ng kandila at nag-alay ng awit ang mga estudyante ng iba't ibang kolehiyo at unibersidad sa Bacolod City.

Kabi-kabila rin ang mga online protest ng mga estudyante, mamamahayag, at human rights advocate.

Nangako ang mga grupo na patuloy silang mag-iingay at marami pang ilulunsad na rally bilang suporta sa ABS-CBN.

-- Ulat nina Apples Jalandoni at Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.