2 pulis-Ilocos Sur na nanggahasa umano ng 2 dalagita, kinasuhan na

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2020 12:22 AM | Updated as of Jul 12 2020 07:28 AM

Sinampahan na ng 2 counts of rape ang 2 pulis na inireklamong nanggahasa sa magpinsan sa Ilocos Sur, ayon sa public information office ng Police Regional Office (PRO) Ilocos Region nitong Sabado.

Sinampahan na rin ng reklamong obstruction of justice ang chief of police at women's desk officer ng Cabugao Police Station kung saan nagreklamo ng rape ang mga biktima laban sa 2 pulis.

Kasama ring sinampahan ng obstruction of justice ang isang barangay chairman.

Ang 3 ay sinampahan ng reklamo dahil nabigo umano silang ipatupad ang normal procedures ng pagtrato sa reklamong may kinalaman sa sexual abuse. Isinampa ito sa DOJ-Manila sa pamamagitan ng regular filing.

Ang mga personnel ng Cabugao Police Station at San Juan Police Station, kasama ang kanilang chief of police, ay na-relieve na at isasailalim sa retraining. 

Nag-request na rin ng ballistic examination sa service firearms ng 2 suspek na pulis sa Firearms and Explosive Division sa Regional Crime Laboratory Office.

Samantala, nanawagan ang isang grupo ng malawakan at sabay-sabay na candle-lighting activity sa labas ng kani-kanilang bahay Linggo ng gabi para ipagdasal at mabigyan ng hustisya ang pagpatay sa 15 anyos na dalagita sa Cabugao.

Hiniling din nila na mag-post sa social media ng kandila sa labas ng bahay at hashtag ng hustisya para sa biktima.

Noong Hulyo 2, inireklamo ng dalagita at pinsan niya ang 2 pulis na gumahasa sa kanila.

Pero nang pauwi na sila, pinagbabaril ang dalagita at namatay, habang sugatan ang kanyang kapatid na kasama niyang nakamotorsiklo.

Una nang sinampahan ng kasong murder ang 2 pulis na inireklamo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.