Nasa 30 mangingisda sa Iloilo nawalan ng kabuhayan dahil sa oil spill

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2020 04:36 PM

Isa si Nicanor Jaleco sa mga apektadong mangingisda. Jennifer Garcia Hernandez, ABS-CBN NEWS

Isang linggo nang hindi nakakapalaot ang mga mangingisda sa Barangay Bigke sa bayan ng Leganes, Iloilo dahil sa tumagas na langis sa isang power barge.

Pinagbawalan muna sila sa pangingisda dahil sa oil spill na nagmula sa power barge 102 ng AC Energy.

Dahil dito, dinala muna ang kanilang mga bangka sa mataas na bahagi ng dalampasigan at iniuwi muna ang kanilang mga lambat sa bahay. 

Naghanap na rin ng ibang mapagkakakitaan ang ilang mangingisda gaya ni Nicanor Jaleco na nagtrabaho muna sa construction para maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Malaking kawalan sa kita ang pagtigil sa pangingisda, aniya. Pero minabuti niya na huwag na munang makipagsapalaran sa dagat.

Ayon sa punong barangay na si Romeo Lamanero Jr., halos 30 mangingisda sa kaniyang barangay ang nawalan ng hanapbuhay. 

Ang iba namimingwit na lang pero halos wala ring makuhang isda.

Napilitan na lang iuwi ng mga mangingisda ang kanilang mga lambat. Jennifer Garcia Hernandez, ABS-CBN news

Isinumite na sa lokal na pamahalaan ang pangalan ng mga apektadong mangingisda at umaasa sila na mabibigyan ng tulong.

Sa pahayag ng AC Energy, nag-usap na umano ang kanilang pamunuan at lokal na pamahalaan ng iloilo City.

May 280 na pamilya ang kanilang nailikas na sa mga hotel sa lungsod at patuloy ang ginagawang paglilipat ng iba pa. 

Ang mga pamilya na ito ay lumikas sa kanilang mga bahay dahil sa hindi makayanan na amoy ng bunker fuel na galing sa oil spill.

Sagot ng AC Energy ang accommodation sa hotel pati na ang pagkain. May mga doktor, nurse at social workers ring nakatalaga sa bawat hotel.

Nagpapatuloy naman ang paglilinis sa mga tumagas na langis. Umabot na sa 259,664 liters ng langis ang nakuha mula sa 268,946 liters na tumagas.

Samantala, sa report naman na ipinaabot kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas nitong Biyernes ay umabot na sa 88.8 ektarya ng mangroves ang apektado ng oil spill. 

Ang head for plant operations na si Gabby Mejia ay nakipag-usap na rin sa mga alkalde ng bayan ng Dumangas at Leganes para sa ibibigay na tulong sa mga apektado ng oil spill.

Umabot na sa 29 na barangay sa Guimaras ang apektado ng tumagas na langis. -- Jennifer Garcia Hernandez, ABS-CBN News