'A warning to the press': Media groups kinondena ang 'pagpatay' sa ABS-CBN franchise

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2020 07:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Kinondena ng iba’t ibang grupo ng mga mamamahayag at ilang educational institutions ang pagpatay ng Kamara sa ABS-CBN franchise bill. 

Para sa Malacañang Press Corps, babala ito sa media na huwag banggain ang mga nasa kapangyarihan. 

Sa isang pahayag, sinabi nila na ang pagpapasara sa isang media network gaya ng ABS-CBN ay isang hakbang din umano ng paniniil. 

“We deplore the blatant and arrogant abuse of power. This is a warning to the press: do not offend the powers that be. One less watchdog is one step towards tyranny…. While we grieve, we are not cowed… A thousand little cuts do not make us weak, these make us stronger. History is never kind to tyrants,” anila sa pahayag. 

Pero hindi raw sila magpapasindak at lalakas ang kanilang boses sa mga mali. 

Nanindigan din ang Foreign Correspondents Association of the Philippines sa gitna ng madilim na yugto para sa mga mamamahayag sa bansa. 

Nakiisa rin ang Rappler at sinabing patuloy na pananahimik ay katumbas ng pakikipag-kuntsabahan. 

Para sa Photojournalists’ Center of the Philippines, wala na ngayon ang press freedom na katumbas ng kalayaang makapagbalita gamit ang libreng programa o platform. 

Panawagan naman ng Economic Journalists Association of The Philippines, ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag.

“We stand in solidarity with our colleagues from ABS-CBN. And we call on all our fellow journalists and our most important stakeholders, the Filipino people, to help safeguard the freedom of the press during these dark days,” anila sa pahayag. 

Nagpaabot din ng kanilang pakikiisa ang mga paaralan gaya ng De La Salle University, at Colegio de San Juan De Letran na pinailawan ng ilaw na pula, berde, at asul ang kanilang gusali na kulay ng ABS-CBN. 

Tiniyak naman ng Far Eastern University Department of Communication ang pagsama sa mga laban para igiit ang press freedom. 

Ang Philippine Association of Communication Educators (PACE) sumumpang ilalagay nila sa mga aklat at aktibong ituturo ang pagsalakay ng gobyerno sa press freedom. 

Ang University of Santo Tomas - Artlets Student Council, nanawagang ipaglaban ang press freeedom at human rights, gayundin ang panawagan mga taga-Ateneo De Manila University. 

Ipinagluksa rin ng UP College of Mass Communication ang nangyari sa ABS-CBN na kasamang naghahatid ng balita at impormasyon sa bansa. 

Maaalalang nasa 70 mambabatas ang bumoto pabor sa resolusyon ng binuong technical working group na nirekomendang huwag bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN, kumpara sa 11 na tumutol dito.

Ipinatigil din noong Mayo 5 ng National Telecommunications Commission ang pag-broadcast ng ABS-CBN isang araw matapos mapaso ang prangkisa nito.

Ilang taon ding inupuan sa Kongreso ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa bagong lisensiya.

— Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.