4 na hinihinalang NPA leaders, huli sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2020 08:26 PM | Updated as of Jul 11 2020 09:11 PM

Nahuli ang apat na mga hinihinalang opisyal ng New People's Army (NPA) sa isang military operation sa lungsod ng Kabankalan, Negros Occidental Biyernes ng hapon.

Kinilala ang mga hinuli na sina alyas Samantha, alyas Sid, alyas Sam at alyas Paolo.

Dinakip ang apat ng pinagsamang pwersa ng 15th Infantry Battalion ng Philippine Army at Kabankalan Police.

Sinabi ni 2nd Lt. Weann Sandag, Civil Miltary Operation Officer ng 15th Infantry Battalion, na ang mga nahuli ay kinilala ng kanilang mga dating kasamahan na ngayon ay nagbalik-loob na sa gobyerno.

Dagdag ni Sandag, minanmanan ng militar ang mga nahuli noon pang July 8 matapos ang isang engkuwentro sa Barangay Pinggot sa bayan ng Ilog.

Nakuha sa apat ang isang .45 caliber pistol, .38 caliber revolver, apat na mga hand grenade, mga subersibong dokumento, mga cellphone at mahigit P100,000.

Ayon sa awtoridad malaking kawalan para sa hukbo ang pagkahuli sa apat.

Ang mga nahuli ay sasampahan ng kasong illegal possession of fire arms and explosives.

Sinabi ni Commanding officer ng 15th infantry battalion Col. Erwin Carino sa kanyang ipinalabas na statement sa media na magpapatuloy sila sa ginagawang opensiba laban sa NPA. -- Mark Gabriel Salanga, ABS-CBN News