2 bahagi ng barangay sa Antipolo City, isinailalim sa ECQ

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2020 12:19 PM

MAYNILA – Isinailalim sa enhanced community quarantine ang dalawang bahagi sa Barangay Dela Paz sa Antipolo City matapos makapagtala ng local transmission at madoble ang bilang ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa loob ng isang linggo. 

Sabado ang simula ng ECQ sa Sitio LogCom at Piña Alley sa Sitio Phase 4B ng nasabing barangay. Tatagal ito nang pitong araw at magsasagawa ng expanded at targeted testing habang naka-lockdown ang lugar. 

Ang magpo-positibo sa rapid test ay dadalhin sa quarantine facilities kung saan sila mamamalagi habang hinihintay na mag-negative sa swab test. 

Habang nakalockdown, bawal lumabas maliban sa mga authorized persons outside of residence tulad ng frontliners, nagtatrabaho at mga may medical emergencies. Bibigyan ng food packs ang bawat pamilya upang mabawasan ang dahilan para lumabas ng bahay. 

Maglalagay din ng checkpoints ang pulisya at barangay sa mga lagusan sa lugar at magtatalaga ng single entry at exit points upang malimitahan ang paggalaw habang nasa ECQ. 

Magsagawa muli ng disinfection activity upang makatiyak na malinis at ligtas ang lugar.