'Maniningil ang kasaysayan': Ilang eksperto, politiko binatikos ang pagbabasura sa ABS-CBN franchise application

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2020 05:53 PM

MAYNILA - Binatikos ng ilang eksperto at politiko ang pagbabasura ng Kamara sa aplikasyon ng ABS-CBN para sa bagong prangkisa nitong Biyernes. 

Bumoto ang 70 mambabatas pabor sa resolusyon ng binuong technical working group na inirekomendang huwag bigyan ng prangkisa ang network giant, 11 naman ang tumutol dito. 

Partikular na sa mga bumatikos sa hakbang ang opposition senator na si Risa Hontiveros na nagsabing "maniningil ang kasaysayan" sa naging hakbang ng Kamara. 

"The non-renewal of ABS-CBN sets a dangerous precedent. Because gov't allowed politicking in the process of renewing a legislative franchise & succeeded in shutting down a media institution, we have begun to ring the death knell of press freedom in the country," ani Hontiveros sa pahayag. 

Hinikayat niyang kalampagin ng publiko ang aniya'y pang-aalipusta sa network at sa pagbasura ng prangkisa sa gitna ng pandemya. 

"At a time when Filipinos are sick, jobless & hungry, history will judge those who tried to silence the truth. History will be harsh to those who ignored the most basic needs of Filipinos during this pandemic & instead used it to consolidate power for selfish reason," ani Hontiveros.

Para naman kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, maihahalintulad ang nangyari nang ipasara ang network noong 1972, nang ideklara ni dating Pangulo at diktador Ferdinand Marcos ang Batas Militar. 

"I am deeply saddened by this episode in the history of our nation. It is reminiscent of the dark pages in the history of Philippine press in 1972," ani Drilon, na kampanteng malalagpasan ng network ang kasalukuyang sitwasyon. 

Mayo 5 nang ipatigil ng National Telecommunications Commission ang pag-broadcast ng ABS-CBN isang araw matapos mapaso ang prangkisa nito. Bago nito, ilang taong inupuan sa Kongreso ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa bagong lisensiya.

Lumalabas sa findings ng TWG na may ilang paglabag na ginawa ang network giant, bagay na kinuwestiyon ni Cagayan 2nd District Rep. Rufus Rodriguez. 

Giit niya, walang paglabag ang ABS-CBN, taliwas sa lumabas sa resulta ng resolusyon ng TWG.

"We are certainly very much disappointed. First of all I disagree with the findings of the TWG… Yung findings, which I read in the morning ang TWG certainly is contrary to all the evidence na inilatag during the hearing kasi I attended also the hearings kasi base on the questions and answers eh lahat naman nagsasabi na walang violation ang ABS-CBN," ani Rodriguez sa panayam sa Teleradyo. 

Para naman kay Rep. Carlos Zarate, dagok sa demokrasya at nasagasaan ang kalayaan sa pamamahayag ang nangyari. 

“Ni-reject na nila tapos maganda naman yung binitawan ni Mr. Lopez there will always be a light at the end of the tunnel pagkatapos ng madilim na bahagi ng kasaysayan dahil hindi lang ito simpleng rejection ng prangkisa ito ay dagok sa ating demokrasya dahil kaakibat ng rejection na yan ang malayang pamamahayag,” ani Zarate sa panayam sa Teleradyo. 

EPEKTO SA PAMAMAHAYAG, PAG-APRUBA NG IBANG PRANGKISA 

Tingin naman ng batikang manunulat na si Vergel Santos na may karampatang epekto ang ABS-CBN franchise application rejection sa pamamahayag. 

"This pre-stages an even more worrisome sense of impunity sa ating institusyon. Puwede palang gawin ito. Ang chill talaga is going across, not only the media — sa tao," 

Ang pagbabasura naman sa ABS-CBN franchise application ay makakaapekto sa pag-abruba ng iba pang prangkisa, ayon kay Senador Grace Poe. 

““It is not just news that is curtailed but entertainment shows which represent the finest in the craft, delight the public, and inspire our people to be the best,” aniya. 

"The House has indeed set a high and unforgiving bar in approving franchises. This may affect current active franchises," dagdag niya. 

'NEUTRAL ANG MALACANANG' 

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang naging desisyon ng House of Representatives Committee on Legislative Franchises na ibasura ng franchise application ng ABS-CBN ay sole prerogative ng Kongreso. 

Nanatiling neutral aniya ang Malacanang sa isyu ng prangkisa ng network, at nirerespeto nito ang separation of powers ng Kongreso at ehekutibo na co-equal branches aniya ng gobyerno. 

Gustuhin man ng Malacanang na makatrabaho nito ang media network, kailangan sundin aniya ang naging resolution ng House committee.

Sabi naman ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na hindi nakikialam ang Executive sa trabaho ng isang co-equal branch. 

Natalakay na aniya ang isyu sa pagdinig kaya't ipiauubaya na ng Malacanang sa wisdom ng komite ang desisyon sa prangkisa ng ABS-CBN. 

-- May ulat nina Jamaine Punzalan, Katrina Domingo, at Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.