Mga pamilyang apektado ng oil spill sa Iloilo City, inilipat sa ilang hotel

Jennifer Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2020 11:06 PM

ILOILO CITY - Inilipat sa dalawang hotel nitong Huwebes ang halos 87 na pamilya na apektado ng oil spill sa Iloilo City matapos silang mamalagi sa isang barangay gym sa lungsod.

Hindi naging komportable ang mga evacuees sa gym dahil sa kakulangan sa pasilidad gaya ng tubig at malinis na banyo. 

Sagot ng AC Energy ang accomodation at pagkain ng mga evacuees sa hotel. Ang mga staff kung saang evacuation center sila nanggaling ay sasama din sa hotel para mag-asikaso sa mga evacuees. 

Hindi pa malalaman kung hanggang kailan mananatili sa mga hotel ang mga ito, at kung dadalhin ba lahat ng mga evacuees sa mga hotel. 

Napag-alaman na bukod sa 87 na pamilya, ay may ibang evacuees pa sa dalawang evacuation center na itinalaga. 

May 336 na bakwit ang nasa mga evacuation center matapos mangyari ang oil spill noong nakaraang Biyernes.

Ang AC Energy ay siyang namamahala sa power barge 102. Sumabog ang tangke nito kaya tumagas ang 251,000 liters na bunker fuel. 

Hindi lamang Iloilo City ang apektado ng oil spill. Umabot na rin sa bayan ng Guimaras ang tumagas na langis, at 29 na barangay dito ang apektado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.