Mga suspek sa hazing, pagpatay sa kadeteng si Darwin Dormitorio pinaaaresto

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 06:20 PM

BAGUIO CITY — Pinaaaresto ng Baguio City Regional Trial Court Branch 5 ang anim na tao na dawit sa pagkamatay ng kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na si Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio dahil sa hazing.

Nag-isyu ng warrant of arrest si Presiding Judge Maria Ligaya Itliong-Rivera laban sa 6 na kadete at opisyal ng PMA na itinuturong salarin sa pagkamatay ng batang kadete. 

Sa kautusan, walang piyansa na itinakda para kina PMA 3rd Class Cadets Shalimar Imperial, Felix Lumbag Jr. at Cadet Julius Carlo Tadena, habang P200,000 naman ang piyansa para sa pansamantalang paglaya nina Capt. Flor Apple Apostol, Maj. Maria Ofelia Beloy at Lt. Col. Ceasar Candelaria, na pawang mga opisyal ng PMA Station Hospital.

Sa pahayag ng Armed Forces of the Philippines, sinabi nitong handa itong makipagtulungan sa imbestigasyon para makamit ang hustisya sa pagkamatay ni Dormitorio. 

"We once more commit to the court that we will cooperate and, when needed, assist in the swift dispensation of justice. We owe it to the people--especially to the parents of the late Cadet Darwin Dormitorio—and the community of PMA Alumni," ani AFP spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo. 

Namatay si Dormitorio, 20, noong Setyembre 18, 2019 dahil sa umano'y paulit-ulit na panggugulpi ng kaniyang mga upperclassmen. 

—Mula sa ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.