Higit 12,000 manggagawa sa BARMM di umano nakatanggap ng DOLE cash aid

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 05:17 PM | Updated as of Jul 08 2020 07:06 PM

COTABATO CITY — Mahigit sa 12,000 manggagawa sa Bangsamoro, officially the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang apektado ng krisis dulot ng COVID-19.

Isa na dito ang utility worker sa isang mall sa Cotabato City si Everly Cagadoc.

Mula sa 6 na araw kada isang linggo na pasok sa trabaho, naging 3 hanggang 4 na araw na lang ang duty nito.

Kaya ang kinikita na halos P5,000 kada 15 araw, nabawasan dahil sa no work, no pay policy.

"Napakahirap... Walang masakyan, ang ginawa ko nanghiram ako ng bike para maka-survive araw-araw," aniya.

Sa tala ng Ministry of Labor and Employment ng BARMM, 381 na mga business establishment ang apektado ng COVID-19 crisis sa rehiyon.

Nasa 12,037 mga manggagawa naman mula sa 5 probinsya ng BARMM, kabilang na sa Cotabato City, ang naapektuhan.

Pero lahat sila, wala pang natatanggap na cash assistance mula sa ahensya kahit pa may COVID-19 adjustment measure program ang Department of Labor and Employment.

"Ang response sa amin ng national government is hindi kasama ang BARMM doon sa budget allocation nila... After series of talks talagang wala na, hindi included ang BARMM," ani Romeo Sema, labor minister, ng BARMM. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.