Halos P9-M halaga na smuggled na sigarilyo nasamsam sa ng Gensan

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 01:44 AM

Isang Chinese na negosyante sa General Santos City ang nakumpiskahan ng aabot P9 milyong halaga ng smuggled cigarettes. Kuha ng PRO-12

GENERAL SANTOS CITY - Kulong ang isang negosyanteng Chinese matapos mahulihan ng tinatayang P9 milyong halaga ng smuggled cigarettes sa isang operasyon sa Oringo Subdivision, Barangay City Heights dito sa lungsod Lunes ng gabi.

Kumpiskado ang aabot sa 271 na mga kahon ng mga naturang sigarilyo. Narekober din ang kalahating milyong pisong cash.

Ayon sa negosyante, iniwan lang umano ang mga kahon ng kanyang kaibigan at nagbilin na hintayin na lang ang pagdating ng bibili ng mga sigarilyo. Pero isang linggo na, wala pang dumadating hanggang sa na test-buy na siya ng mga pulis.

Ayon naman kay Police Lt. Col. Lino Capellan, tagapagsalita ng Police Regional Office 12, may apat na sachets ng shabu din umanong nakuha mula sa Chinese, pero itinanggi ito ng suspek.

Pagbebenta ng cellphone ang pinagkakanitaan ng negosyante. Pilipina ang kanyang asawa at 10 taon na siya rito sa bansa.

Dalawang buwang sinubaybayan ng intelligence operatives ang negosyante.

“Monitored na yung lahat ng kanilang movement. Pati pagpasok ng mga produkto, naka-closed van yan at ipinapasok doon sa kanyang nirerentahang bahay,” ani Capellan.

Nahaharap sa patong-patong na kaso ang negosyante.

“Dito sa Intelectual Property Act natin, itong Customs and Tariff Administration yung Republic Act din natin, at kakasuhan din natin ng 9165 sa drugs kasi doon sa pagkakaaresto sa kanya may nakuhang sachet ng shabu” ani Capellan.

Aalamin sa imbestigasyon ng mga pulis kung sino ang sinasabing kaibigan nito na nag-iwan sa kanya ng kahong-kahong smuggled na sigarilyo na pinaniniwalaang nagmula sa Indonesia.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.