Salo, binawi ang pagiging may-akda ng isa sa ABS-CBN franchise renewal bills

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 02:09 AM

MAYNILA - Binawi ng isang kongresista ang kanyang pagiging may-akda ng House Bill No. 6901 na naglalayong magbigay ng bagong prangkisa sa ABS-CBN dahil hindi umano napatunayan ng network na mali ang mga alegasyong binabato laban dito.

"My party-list group deems that ABS-CBN failed to successfully rebut the long list of alleged violations. Thus, this representation cannot anymore support the grant of a new franchise to ABS-CBN," ani KABAYAN Party-List Rep. Ron Salo.

"I am also certain that it will just be a temporary setback to the majority of its employees as other networks and stations will readily accept the workforce that comes with proven talents and expertise," dagdag niya.

Muli namang iginiit ni SAGIP Party-List Rep. Rodante Marcoleta na wala siyang iniakdang kahit anong franchise bill, taliwas sa unang binalita ng ABS-CBN News, na batay naman sa legislative records.

Para kay Agusan Del Norte Rep. Lawrence Fortun, tila napasinungalingan naman sa pagdinig ang mga alegasyon sa network na "biased reporting" at "meddling in elections". Aniya, mismong concerned agencies na ang nagsabing nag-comply ang ABS-CBN sa kanilang mga regulasyon. 

Ayon naman kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, ito ang unang pagkakataong nagkaroon ng mahabang pagdinig ukol sa isang franchise renewal application. 

Giit ni Zarate, bagaman trabaho ng Kamara na dinggin ang franchise applications, hindi papel ng Kongreso ang pagtatakda kung ano at paano ang gagawing pagbabalita ng mga mamamahayag. 

"Ang dapat maging papel ng Kongreso tiyakin ang mga kasamah ng media na malayang nagagawa ang kanilang trabaho, ang kanilang pagbusisi sa nangyayari sa ating lipunan nang walang pagkitil sa karapatan," aniya.

Dagdag niya, isyu ng press freedom sakaling hindi mabigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN.

Sinabi naman ni Committee on Legislative Franchises Chairman Rep. Franz Alvarez, ito na ang huling pagdinig ng Kamara sa mga isyu ukol sa ABS-CBN kaugnay ng franchise renewal ng network.

Sa Blue Ribbon Committee na didinggin ang iba pang isyu sa ABS-CBN na hindi pa naresolba, ayon kay Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado.

Sa Huwebes, ala-1 ng hapon, gaganapin ang summation ng mga pabor at hindi pabor sa ABS-CBN franchise renewal. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.