Interpellation sa prangkisa ng ABS-CBN, tinuldukan na sa committee level sa Kamara

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 02:44 AM

MAYNILA - Tinapos na ng House Committee on Legislative Franchises at House Committee on Good Governance and Public Accountability ang interpellation period sa kanilang pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN nitong Lunes.

Sa ika-12 araw ng pagdinig, sumentro ito sa umano'y pagiging biased sa reporting ng ABS-CBN.

Sa interpellation ni Cong. Rufus Rodriguez, nilinaw ng Commission on Elections na walang nakabinbing kaso laban sa ABS-CBN sa kanilang law department.

Wala ring complaints laban sa ABS-CBN pagdating sa Omnibus Election Code, at walang political party o kandidato na nagreklamo sa COMELEC na may kinalaman sa ABS-CBN.

Sinabi rin ni Jun Nicdao, ng Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas, na ang i-kahuling complaint laban sa ABS-CBN ay hindi paglabag sa Broadcast Code kun'di personal na reklamo lamang.

Hindi na umano ito tinanggap ng KBP at pinag-ayos na lang ang dalawang kampo.

Tiniyak din ng head ng ABS-CBN Integrated News and Current Affairs na may Code of Ethics ang kumpanya, at may third party na nagmomonitor na sumusunod ang mga mamamahayag ng ABS-CBN sa Code of Ethics nito.

May Internal Network Ombudsman din ang network na umaaksyon sa mga reklamo laban sa mga mamamahayag ng ABS-CBN. Si Retired Supreme Court Associate Justice Jose Vitug ang kasalukuyang Network Ombudsman sa ngayon.

Sinabi din ni National Telecommunications Commission Deputy Commissioner Edgardo Cabarios at Ann Nemenzo ng Movie and Television Review and Classification Board na walang pending case ang ABS-CBN sa kanila.

Sa pagtatapos ng interpellation ni Cong. Rufus Rodriguez, binigyang diin niya na naipakita ng ABS-CBN na walang silang political agenda at walang pinapaborang kandidato.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.