500 pamilyang apektado sa flashfloods sa Digos, nakatanggap ng tulong mula sa Sagip Kapamilya

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 01:30 AM

Aabot sa 500 pamilya ang nahatiran ng tulong sa Digos City, Davao del Sur matapos tamaan ang lungsod ng flashfloods noong nakaraang linggo. Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

DIGOS, Davao del Sur - Anim na buwan ng buntis si Ivy Barcasio kaya huminto muna siya sa trabaho bilang waitress.

Problema niya ngayon, ang konsumo sa kaniyang pamilya dahil napapalala pa ng nakaraang baha sa Digos City at ang kasalukuyang kinakaharap na COVID-19 crisis sa bansa.

Hindi pa rin sasakto ang kita ng kaniyang pamangkin bilang mangingisda.

"Dalawang araw ginugol namin para maglinis hindi pa riyan kasama ang paglalaba. Bed sheet, durabox basa lahat," aniya.

"Napapabayaan na ang trabaho dahil natutuon na atensyon sa paglilinis ng bahay," dagdag ni Tuyon Lacai, pamangkin ni Barcasio.

Matumal na nga ang pananahi ni Baby Gomez lumala pa nang binaha sila.

"Refrigerator namin basa, mga damit, lahat ng gamit. Kada araw hindi kami makapagsaing dahil basa aming uling," ani Gomez.

Sina Ivy at Baby ay dalawa lamang sa 500 residente ng Barangay Aplaya, Sitio Little Tondo sa Digos ang nabigyan ng ayuda sa isinagawang Sagip Kapamilya Relief Operations. Bigas, canned goods at tubig ang kanilang natanggap.

"Halos lahat sa mga pamilya ay nabasa ang mga bigas dahil sa baha. Marami dito mga baby, kanding, manok, naanod ng baha)," ani Gil Gubat, chief of staff ng Mayor's Office ng Digos.

Taos puso namang nagpapasalamat ang mga residente.

"Kaya ito hanggang apat na araw, napakalaking tulong," ani Barcasio.

"Nagpapasalamat kami sa grasya na dumating."

Sa tala ng mga atoridad, mahigit 10,000 pamilya ang apektado sa nangyaring flashflood sa lungsod noong nakaraang linggo.

Labing-isang mga barangay sa Digos ang binaha kung saan ang Barangay Aplaya ang isa sa pinaka-apektado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.