MRT tigil-operasyon muna simula Hulyo 7

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2020 05:56 PM | Updated as of Jul 06 2020 06:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Tigil-operasyon muna ang MRT-3 simula Martes, Hulyo 7, kasunod ng pagdami ng bilang ng mga empleyado na nag-positibo sa coronavirus disease (COVID-19).

Sa pahayag, sinabi ng pamunuan ng MRT-3 na tatagal hanggang Sabado, Hulyo 11, ang tigil-operasyon para bigyang daan ang swab test ng lahat ng mga tauhan ng rail system.

Nasa 1,800 pang manggagawa ng depot at station ang isasailalim sa swab test.

Magsasagawa rin ng disinfection sa mga pasilidad sa gitna ng tigil-operasyon, ayon sa pamunuan ng MRT-3.

Maaaring umikli o humaba ang panahon ng shutdown ng MRT-3, depende umano sa bilis ng pag-swab test at paglabas ng resulta.

Magpapakalat din umano ng 90 bus units ang bus augmentation program ng MRT-3 para magsakay ng mga pasahero. Dagdag pa raw ito sa 150 bus ng EDSA Busway service.

Ngayong Lunes, nagbawas ng bilang ng mga bumibiyaheng tren ang MRT matapos dumami ang mga tauhan na nag-positibo sa COVID-19.

Base sa tala noong Linggo, 186 tauhan ng MRT ang positibo sa sakit, sabi ni Transportation Undersecretary Timothy John Batan.

Sa 186 tauhan, 2 lang umano ang nagkaroon ng sintomas habang ang iba ay asymptomatic o walang pinapakitang sintomas.

Kasama sa 186 ang 169 depot workers, 12 station personnel, 3 train drivers at 2 mula sa operations control center, ani Batan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.