40 arestado sa paglabag sa quarantine sa Cebu City

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2020 04:43 PM | Updated as of Jul 06 2020 07:03 PM

Arestado ang 40 residente ng Cebu City nitong Lunes sa paglabag sa enhanced community quarantine na pinaiiral laban sa COVID-19 pandemic. ABS-CBN News

CEBU CITY - Hinuli ang 40 katao nitong Lunes sa paglabag sa enhanced community quarantine na pinaiiral sa lungsod ng Cebu laban sa COVID-19 pandemic.

Ayon sa ilan sa kanila, napilitan silang lumabas ng kanilang barangay dahil kailangan nilang bumili ng pagkain para sa kanilang pamilya kahit hindi sila nakatalagang lumabas ng bahay ngayong araw.

Maraming residente pa rin an nalilito sa araw ng kanilang paglabas o ang tinatawag na number coding sa quarantine pass, ayon kay Racquel Arce, head ng Prevention Restoration Order Beautification and Enhancement (PROBE) ng lungsod.

Watch more in iWantTFC

Ayon sa number scheme, ang mga residenteng may quarantine pass na odd number ay maaaring lumabas tuwing Lunes, Miyerkoles, at Biyernes.

Maaari namang lumabas ang mga may even number quarantine pass tuwing Martes, Huwebes at Sabado.

Walang pinapayagang residente na makalabas tuwing Linggo.

Sa mga nahuli ngayong araw, 3 ang pangalawang beses nang nahuli. Nai-turn over na sila sa pulisya upang kasuhan.

Ang first time violators, 6 na oras nanalagi sa bus detention cell sa Plaza Independencia ng lungsod. Sila rin ay sasailalim sa community service tulad ng pagwawalis sa plaza bilang parusa.

Ayon sa PROBE, sumulat na sila sa mga barangay chairman para ipaalala sa mga residente ang umiiral na number coding scheme para mabawasan ang mga residenteng lumalabag dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.