Mga awtoridad ni-reenact ang ambush sa ARMM assemblyman sa Davao City

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2018 04:39 PM

Nagsagawa ng reenactment ang mga awtoridad kaugnay ng imbestigasyon sa pananambang kay ARMM Assemblyman Sidik Amiril. ABS-CBN News

DAVAO CITY - Nagsagawa ng reenactment Huwebes ng hapon ang pulisya kaugnay ng imbestigasyon sa pananambang kay Autonomous Region in Muslim Mindanao Assemblyman Sidik Amiril.

Inambush ang sasakyan ni Amiril, assemblyman mula sa 2nd district ng rehiyon, nitong Lunes ng hapon sa Calachuchi St., Ciudad Esperanza sa Brgy. Cabantian.

Nakaligtas ito ngunit patay sa insidente ang helper niyang si Verie Adas.

Layon ng reenactment ng Special Investigation Task Group (SITG) Amiril na matukoy ang posibleng sasakyan na ginamit ng mga hitman o kung sinundan ba o inabangan ang sasakyan ng biktima lalo't tadtad ito ng bala.

Ayon kay Supt. Ereneo Caburnay, commander ng SITG Amiril, malalaman din dito kung gaano kalapit ang mga suspek sa grupo ni Amiril.

"...[S]a nakikita ninyo puwede SUV kasi kasya sa kalsada at 'yung distance ng firearms coming from [the] hitman going to the victim, 'di ba may gap pa so kaya niya ilabas ang firearm niya coming from their vehicle," ani Caburnay.

Pero nahirapan ang SITG Amiril dahil sa kakulangan ng witness at kooperasyon ng pamilya mismo nito na makatutulong sana sa imbestigasyon.

Hinihintay pa rin ng awtoridad ang opisyal na report galing sa Philippine National Police Crime Laboratory sa Camp Crame kung anong klaseng basyo ng bala ang na-recover nila sa crime scene.

Si Amiril ay kabilang din sa "narco-list" at ilang beses nang target ng anti-illegal drug operation ng Philippine Drug Enforcement Agency.