Suporta para sa ABS-CBN bumuhos sa 'Kapamilya Forever' wall

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2020 04:24 PM | Updated as of Jul 05 2020 11:20 PM

Nagsulat ng mga mensahe ng pagsuporta ang ilang supporters at employees ng ABS-CBN sa freedom wall sa labas ng compound ng kompanya sa Quezon City ngayong Linggo. Michael Bagtas, ABS-CBN News

MAYNILA — Bumuhos ngayong Linggo ang mga mensahe ng suporta para sa ABS-CBN sa freedom wall na inilagay sa labas ng compound ng kompanya sa Quezon City.

Ito ay sa gitna ng patuloy na pagdinig ng Kamara sa franchise application ng Kapamilya network.

Watch more in iWant or TFC.tv

Isinabit ang "Kapamilya Forever" wall sa gate ng ABS-CBN compound sa Sgt. Esguerra Avenue, na pinangunahan ng ilang empleyado ng Star Magic, ang talent arm ng kompanya.

Ngayong Linggo, nagtungo sa freedom wall ang supporters at iba pang empleyado ng network, at nagsulat ng mga mensahe tulad ng "Kapamilya Forever" at "Vote yes to ABS-CBN."

May mga nag-iwan pa ng stuffed toys, hand-painted poster, at mga lobo sa freedom wall.

Noong Mayo 5, itinigil ng ABS-CBN ang broadcast nito sa telebisyon at radyo matapos silbihan ng cease-and-desist order ng National Telecommunications Commission kasunod ng pag-expire ng 25-year franchise nito. Napaso ang prangkisa ng kumpanya noong Mayo 4.

Noong nakaraang linggo, muling naglabas ang NTC ng cease-and-desist order para ipatigil ang digital broadcast ng ABS-CBN sa TVplus boxes sa Metro Manila, at ang direct-to-home satellite broadcast ng Sky Cable.

-- Ulat nina MJ Felipe at Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.