165 positibo sa rapid test sa mga ni-lockdown na barangay sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2020 05:03 PM | Updated as of Jul 05 2020 09:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umabot na sa higit 160 ang nagpositibo sa rapid test para sa coronavirus disease mula sa 31 barangay na isinailalim sa lockdown sa Maynila.

Mula sa 8,018 kabuuang na-test sa 31 barangay, 165 ang nagpositibo at sasailalim sa swab test, ayon sa tala ng Manila Public Information Office noong Sabado.

Pinakamaraming nagpositibo sa mga barangay mula sa District 1 at District 3, na parehong nasa 62.

Reklamo naman ng ilang barangay official ay marami pa ring lumalabag sa quarantine protocol, tulad ng hindi pagsusuot ng face mask at paglabas sa bahay.

"Sa mga barangay official, pagod na pagod na sa nasasakupan kakasaway," ani Anthony Igus, kagawad ng Barangay 20 sa District 1.

"Sana po huwag matigas ang ulo. Hindi po biro ang COVID," dagdag ni Igus.

Kasabay ng lockdown, namahagi rin ngayong Linggo ng social pension sa senior citizens ang mga opisyal ng Barangay 163.

Nagsimula noong hatinggabi ng Sabado ang lockdown sa mga naturang barangay dahil sa dami ng mga nagkakaroon ng COVID-19 sa mga lugar. 

Nakatakdang matapos ang lockdown sa hatinggabi ng Lunes.

Kahit mag-expire ang lockdown, may umiiral pa ring curfew sa lungsod, na mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.